Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith


TALAAN NG MGA NILALAMAN

PAUNANG SALITA

PAMBUNGAD NA PANANALITA

1. ANG BANAL NA KASULATAN

2. ANG DIYOS AT ANG BANAL NA TRINIDAD

3. ANG PAGTATAKDA NG DIYOS (GOD'S DECREE)

4. PAGLIKHA

5. PROBIDENSIYA NG DIYOS

6. ANG PAGKAHULOG NG TAO: ANG KASALANAN AT ANG KAPARUSAHAN NITO

7. ANG TIPAN NG DIYOS

8. SI CRISTO - ANG TAGAPAMAGITAN

9. ANG KALAYAAN NG KALOOBAN NG TAO

10. MABISANG PAGTAWAG

11. ANG PAGKA-ARING GANAP

12. ANG PAGKUKUPKOP

13. ANG PAGIGING BANAL

14. ANG NAKALILIGTAS NA PANANAMPALATAYA

15. ANG PAGSISISI TUNGO SA BUHAY AT KALIGTASAN

16. MABUBUTING GAWA

17. ANG PANANATILI NG MGA BANAL

18. ANG KATIYAKAN NG BIYAYA NG KALIGTASAN

19. ANG KAUTUSAN NG DIYOS

20. ANG EBANGHELYO AT ANG ABOT NG BIYAYANG ITO

21. ANG KALAYAANG CRISTIANO AT KALAYAAN NG BUDHI

22. ANG BANAL NA PAGSAMBA AT ANG ARAW NG PANGINOON

23. MGA MATUWID NA SUMPA AT PANATA

24. PANGMAMAMAYANG PAMAHALAAN

25. ANG PAG-AASAWA

26. ANG IGLESIA

27. ANG PAKIKISAMA NG MGA BANAL

28. ANG BAUTISMO AT ANG BANAL NA HAPUNAN

29. ANG BAUTISMO

30. ANG BANAL NA HAPUNAN

31. ANG KALAGAYAN NG TAO PAGKAMATAY AT ANG PAGKABUHAY NA MAG-ULI NG PATAY

32. ANG HULING PAGHUHUKOM


PAUNANG SALITA

Ang pagsasaling ito sa wikang Pilipino ng 1689 na Pagpapahayag ng Pananampalataya ay nagsimula noong 1989. Ang taong 1989 ang ika-300 anibersaryo ng Pagpapahayag (Confession). Muling natuklasan ng dumaraming bilang ng mga iglesiang Baptist sa Pilipinas ang Pagpapahayag at pinaniniwalaan ang mga doktrinang noong una pa ay pinanghahawakan na ng maraming Baptist sa Britanya at sa Estados Unidos. Napagpasiyahan na ang pagsasalin ng Pagpapahayag ay makatutulong sa tunay na pangangailangan ng mga iglesiang Baptist at ng mga iba pa.

Isang lupon ng tagapagsalin ang itinatag na binubuo nina Arnel Cajayon, Brian at Necy Ellis, Noel Espinosa, Rene Maramara at Pacita Seveses. Sila ang mga kinatawan ng limang iglesia na nanghahawak sa mga doktrinang ipinahahayag sa 1689 Pagpapahayag.

Ang Pagpapahayag ay unang isinalin ni Dan Esplana na taga-Daet. Ang saling ito ay hindi gaanong nagamit ng mga tagapagsalin sa dahilang ito ay malimit na napaka-literal at napakalalim ng Tagalog. Gayon man ay ibinigay niya ang pahintulot na ito ay baguhin. Si Arnel Cajayon at ang ilan sa mga miembro ng kaniyang iglesia ay nagsalin din ng unang sampung kabanata at ang saling ito ang naging batayan ng unang sampung kabanata nito.

Ang lupon ay nagtipon minsan sa isang buwan nguni't ang pagsasalin ay naging napakabagal. Dahil diyan, noong Enero 1991 isang maliit na grupo mula sa Cubao Reformed Baptist Church na binubuo nina Avin Castillo at Brian at Necy Ellis ang nagsimulang magtipon linggu-linggo at natapos ang pagsasalin noong Mayo 1991. Ang saling ito ay ipinadala sa dating lupon ng tagapagsalin at sa ilang iglesiang nanghahawak din sa pagpapahayag na ito upang kanilang mapagbalik-aralan, mabigyan ng mga mungkahi at pagpuna. Sa kahuli-hulihan, noong Junyo 1991, itinakda at isinaayos na magtipon sa Los Baños ang mga kinatawan ng siyam na iglesia at doon pinagkaisahang pagtibayin ang salin sa wikang Pilipino ng Pagpapahayag.

Ang Pagpapahayag na ito sa wikang Pilipino ay inihahandog sa inyo na kalakip ang maraming panalangin na gagamitin ito ng Diyos sa Pilipinas sa pagpapatibay ng Kaniyang Iglesia at sa paglago ng katotohanang ipinahahayag sa atin sa Banal na Kasulatan.

Nais ipabatid ng mga manlilibag ang kanilang taus-pusong pasasalamat sa bawa't isa na tumulong sa pagsasalin nito at sa mga iba pa. Purihin nawa ang Diyos.


PAMBUNGAD NA PANANALITA

Si Professor John Murray, itinuturing ng marami na isa sa pinakadakilang teologo ng ating siglo, ay nagwika, "Ang presensiya ng Diyos ay laging kasama ng iglesia sa lahat ng mga salinlahi nito. Siya ang nagkaloob sa Iglesia ng kakayahan ng pang-unawa at pamimigkas. Ang walang humpay na gawaing ito ng Banal na Espiritu ang siyang dahilan ng patuloy na pagsulong sa lahat ng mga siglo ng tinatawag nating Doktrinang Cristiano."

Ang tinutukoy dito ni Professor Murray ay ang patuloy na pag-aaral sa Salita ng Diyos ng mga nauna at kasalukuyang mana-nampalataya. Ang pag-aaral na ito ay nagsasaysay ng iba't-ibang paraan ng paglalahad ng paniniwala sa katuruan ng Bibliya. Karaniwang inilalahad ng lupon ng mga mananampalataya ang kanilang paniniwala sa mga dokumento ng pagpapahayag (Confessional documents), na may pag-asa na ito ay magbubunga ng gayon ding paniniwala sa mga susunod na salinlahi. Sa kasaysayang Cristiano, ilan sa mga dokumentong ito ang lubhang naging maimpluensiya sa paghubog ng paniniwala ng mga Cristiano sa mga sumunod na panahon at siglo. At isang kamangmangan sa mga nag-aaral ng Doktrinang Cristiano na kaligtaang saliksikin ang karunungang tumatahan sa mga nakatala nang dokumento.

Isa sa mga maimpluwensiyang dokumento ay Ang Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist na ginanap sa London, Britanya noong 1689 (The 1689 London Baptist Confession of Faith). Ang mga sumusunod na pahina ay bunga ng pagsisikap na ito ay maisalin sa wikang Pilipino upang sa biyaya at awa ng Diyos, ay maisiwalat ang karunungang nananahan dito sa mga mananampa-latayang Pilipino.

Ang Pagpapahayag ng 1689 ay natapos noong 1677, nguni't inilantad lamang ito at inihayag noong maghari si William at Mary sa trono ng Inglatera at isabatas ang Act of Toleration. Sa pamamagitan nito, ang mga hindi sumasang-ayon (non-conformists) sa iglesia ng estado ay binigyan ng kalayaan sa kanilang pananampalataya. Nagkaroon ng pagkakataon na makapagpulong ang mga pangunahing pinuno at guro na Baptist at lagdaan Ang Pagpapahayag.

Isang hangad ng mga Baptist na may-akda ng Pagpapahayag ay ipakita ang kaisahan ng kanilang paniniwala sa malaking bahagi ng mga mananampalatayang Cristiano. Kung kaya't ang nakararaming nilalaman ng Pagpapahayag ay mga sipi sa ibang mahahalagang dokumento. Pangunahin na rito ay ang Westminster Confession of Faith ng 1647. Ang iba naman ay hinango mula sa Savoy Declaration ng 1658 at mula rin sa First London Baptist Confession ng 1644. Nguni't sa mga ilang bahagi ay hindi nangimi ang mga may-akda na gumawa ng mga orihinal na mga pangungusap na sa kanilang pananaw ay lalong malapit sa turo ng Salita ng Diyos. Sa ngayon, Ang Pagpapahayag na ito ay siyang ginagamit ng mga Reformed Baptist sa paglalahad ng kanilang paniniwala.

Sa pamamagitan ng saling ito ay inaasahan na may panalangin na bubuklatin at pag-aaralan ito ng mananampalatayang naghahangad ng matalinong pagkatalos sa Doktrinang Cristiano na hinango sa Bibliya. Nabubuhay tayo sa panahon na samantalang dumarami ang nag-aangkin ng karanasan ng kaligtasan ay lalong bumababaw ang pagkaunawa sa mga doktrina ng Bibliya. Sa maraming mga dako ay mayroong hinala, kundi man tahasang pagsalungat, sa sinumang magsisikap ng mas malalim na pag-aaral ng doktrina. Ang paningin ngayon ay sapat na ang mga pangangaral na may "inspirasyon"at "debosyon". Nguni't huwag tayong padaya sa ganitong pananaw. Ang paglagong Cristiano ay iniuugat sa pagkaunawa at pamumuhay ng doktrina ng Diyos (Juan 7:17; Ef. 4:14; 1 Juan 4:1).

Sa saling ito ay inilalagay sa ating wika ang mga doktrinang nagpaningas sa puso ng mga naunang mananampalataya. Ang mga doktrinang ito ay maaaring hindi tanggapin niyaong mga walang hangad na lumago bilang alagad.

Narito ang Doktrina ng Bibliya: "Ang Banal na Kasulatan lamang ang sapat, tiyak at di maaaring magkamali na tuntunin o pamantayan ng nagliligtas na kaalaman, pananampalataya o pagtalima ..." (Kab. 1.1)

Ang tungkol sa probidensiya ay lubhang kailangan ngayon sa ating panahon: "Sa Kanyang walang hanggang kapangyarihan at karunungan ay nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay. Siya rin ang umaalalay, namamatnugot, nangangasiwa at namamahala sa lahat ng ito may buhay man o wala, dakila man o munti. Ito ang Kanyang probidensiya na sakdal sa karunungan at kabanalan, at sumasang-ayon sa Kanyang di-nagkakamaling paunang kaalaman at sa malaya at di-nagbabagong kalooban ..." (Kab. 5.1)

Ang kalagayan ng tao ay tahasang inilalantad: "Gayon din mula sa kapanganakan ang lahat ng tao ay may masamang likas ... Dahil dito ang lahat ay sumailalim sa kapootan ng Diyos, mga alipin ng kasalanan at mga nasa ilalim ng kapangyarihan ng kamatayan ... " (Kab. 6.3)

Ngayong lubhang nakatuon sa tao ang pang-unawa ng kaligtasan, ang pagtatakda ng Diyos ay walang pangingiming inilalahad dito: "Ayon sa pagtatakdang nagtatanghal ng Kanyang kaluwalhatian, ang Diyos ay humirang ng mga tao at mga anghel sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Dito ay nahayag ang kapurihan ng Kanyang biyaya ... " (Kab. 3.3)

Sa mga nag-aangking Cristiano na nagwawalang-bahala sa kabanalan: "Ang mga kalakip ni Cristo, na mabisa at makapangyarihang tinawag at ipinanganak na muli, ay may bagong puso at bagong espiritu na nilikha sa kanila. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu na nananahan sa kanila, ang gawain ng pagpapakabanal sa kanila ay nagpapatuloy ..." (Kab. 13.1)

Ang mga nabanggit na ito ay ilan lamang sa mahahalagang sangkap sa paniniwalang Cristiano na binigyang-diin sa Pagpapahayag. Nagpapatunay rin ito na hindi ito karaniwan sa naririnig na pangangaral. Ang mga may-akda ng Pagpapahayag ay naghangad lamang na hayaang ang turo ng Bibliya ay madama sa kaaliwan man o pagsumbat, sa pagpapala man o sa pagsaway. Ang tunay na alagad ay handang tumanggap; at sa pagtanggap ay naroon ang paglago.

Dapat bigyang diin dito na hindi ito kapalit ng seryosong pag-aaral mismo ng Bibliya. Ang Bibliya ay walang kapantay na dokumento. Sa lahat ng panahon, ang Bibliya ang dapat manaig at humubog ng ating pananampalataya. Anumang pangungusap sa Pagpapahayag na ito ay tatanggapin lamang kung ito ay buong linaw na pagtuturo ng Salita ng Diyos.

May laksa-laksang patotoo ng mga mananampalataya noon at sa kasalukuyan na nakasumpong ng karunungan at lalong masidhing katapatan sa Diyos mula sa Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689. Sana, sa iyong matapat at masusing pag-aaral ay maging karagdagan ka sa gayong patotoo.

`Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
Ito'y nagdudulot ng galak sa puso.
Ang mga utos ng Panginoon ay maningning,
nagdudulot ng liwanag sa mga mata.`

Awit 19:8

Noel A. Espinosa
August 1991
Los Baños, Philippines


KABANATA 1

ANG BANAL NA KASULATAN

1. Ang Banal na Kasulatan lamang ang sapat, tiyak at di-maaaring magkamali na tuntunin o pamantayan ng nagliligtas na kaalaman, pananampalataya at pagtalima.(1) Ang kalikasan at gawa ng Diyos ng paglikha at probidensiya, ay nagbibigay ng malinaw na patotoo sa Kanyang kabutihan, karunungan at kapangyarihan na anupa't ang tao na hindi pumapansin sa patotoo nito ay walang maidadahilan.(2) Nguni't ang mga ito ay hindi sapat sa Kanilang sarili na makapagbigay ng kaalaman at kalooban ng Diyos na kailangan para sa kaligtasan.(3) Dahil dito, ang maawaing Panginoon sa iba't ibang panahon at ibang paraan ay naghayag ng Kanyang sarili at ipinaalam ang Kanyang kalooban sa Kanyang Iglesia.(4) Bukod dito, upang lalong matiyak ang pangangalaga at pagpapalaganap ng katotohanan, at ang pagtatatag at kaaliwan ng Iglesia laban sa likas na kasamaan ng tao at sa linlang ni Satanas at sa sanlibutan, ginawa Niya ang buong pagpapahayag ng Kanyang sarili at ng Kanyang kalooban na maisulat. At yamang ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos sa Kanyang kalooban noong una ay matagal nang natigil,(5) ang Banal na Kasulatan ay naging lubos na pangangailangan ng tao.(6)

  1. Isa. 8:20; Lu. 16:29-31; Ef. 2:20; 2 Tim. 3:15-17

  2. Aw. 19:1-3; Rom. 1:19-21,32; 2:12a, 14-15

  3. Aw. 19:1-3 at vv. 7-11; Rom. 1:19-21; 2:12a,14-15 at 1:16-17; 3:21

  4. Heb. 1:1-2a

  5. Heb. 1:1-2a; Gawa 1:21-22; 1 Cor. 9:1; 15:7-8; Ef. 2:20

  6. Kaw. 22:19-21; Lu. 1:1-4; 2 Ped. 1:12-15; 3:1; Deut. 17:18ss.; 31:9ss, 19ss.; 1 Cor. 15:1; 2 Tes. 2:1-2,15; 3:17; Rom. 1:8-15; Gal. 4:20; 6:11; 1 Tim. 3:14ss.; Apoc. 1:9,19; 2:1, atbp.; Rom. 15:4; 2 Ped. 1:19-20.

2. Ang Banal na Kasulatan, o Salita ng Diyos na nasulat ay naglalaman ng mga sumusunod na mga aklat na sama-samang bumubuo ng Luma at Bagong Tipan.

Ang Mga Aklat ng
LUMANG TIPAN
Genesis II Mga Cronica Daniel
Exodo Ezra Oseas
Levitico Nehemias Joel
Mga Bilang Esther Amos
Deuteronomio Job Obadias
Josue Mga Awit Jonas
Mga Hukom Mga Kawikaan Mikas
Ruth Eclesiastes Nahum
I Samuel Ang Awit ng mga Awit Habacuc
II Samuel Isaias Hagai
I Mga Hari Jeremias Zacarias
II Mga Hari Mga Panaghoy Malakias
1 Mga Cronica Ezekiel

Ang Mga Aklat ng
BAGONG TIPAN
Mateo Mga Taga Efeso Sa Mga Hebreo
Marcos Mga Taga Filipos Santiago
Lucas Mga Taga Colosas I Pedro
Juan I Mga Taga Tesalonica II Pedro
Ang Mga Gawa II Mga Taga Tesalonica I Juan
Mga Taga Roma I Timoteo II Juan
I Mga Taga Corinto II Timoteo III Juan
II Mga Taga Corinto Kay Tito Judas
Mga Taga Galacia Kay Filemon Apocalipsis

Ang lahat ng mga aklat na ito ay hiningahan ng Diyos para maging tuntunin o pamantayan ng pananampalataya at buhay.(7)

  1. 2 Tim. 3:16 at 1 Tim. 5:17; 2 Ped. 3:16

3. Ang mga aklat na karaniwang tinatawag na Apocrypha ay hindi hiningahan ng Diyos at hindi bahagi ng canon o tuntunin ng Kasulatan. Kaya nga ang mga ito ay walang taglay na anumang kapangyarihan sa Iglesia ng Diyos. Dapat lamang na ituring o gamitin ito gaya ng ibang aklat na sinulat ng tao.(8)

  1. Lk. 24:27,44; Rom. 3:2

4. Ang Kasulatan ay nagpapatotoo at nagpapatibay sa kanyang sarili. Ang kapamahalaan at kapangyarihan nito ay hindi batay sa patotoo ng sinumang tao o Iglesia,(9) kundi lubos na mula sa Diyos lamang, na may-akda at Siya mismo ang katotohanan. Ito ay dapat tanggapin at sampalatayanan sapagka't ito ay Salita ng Diyos.(10)

  1. Lu. 16:27-31; Gal. 1:8-9; Ef. 2:20

  2. Mat. 4:1-11; 5:17-18; 13:35; 22:32; 22:41ss.; 26:54; Lu. 16:17; 22:37; Juan 10:35; 13:18; 19:24,34-36; Gawa 1:16; 2:16; 2:24ss.; 4:25; 13:18,34-35; Rom. 1:2; 3:2; 9:17; 15:4; 1 Cor. 10:11; Gal. 3:8,16; 1 Tes. 2:13; 1 Tim. 3:15; 2 Tim. 3:16; 2 Ped. 1:19-21; 1 Juan. 5:9

5. Ang patotoo ng Iglesia ng Diyos ay maaaring makaimpluwensiya at makahikayat sa atin na magbigay ng pinakamataas na paggalang at pagtatangi sa Banal na Kasulatan.(11) Ang makalangit na nilalaman nito ay nagbibigay ng mabisang pagtuturo. Ang paraan ng pagkakasulat ay marangal. Ang bawa't bahagi nito ay nagkakaisa at nagbibigay ng buong luwalhati sa Diyos. Ang Kasulatan ay nagtuturo ng ganap na kaalaman tungkol sa tanging daan ng kaligtasan. Ang mga nabanggit at ang marami pang kadahilanan ay nagpapatunay na ang Kasulatan ay Salita ng Diyos.(12) Gayon pa man, aming kinikilala ang paggawa ng Banal na Espiritu sa aming puso. Ang Banal na Espiritu na nagpapatotoo kasama ng Salita ay nagbibigay ng katiyakan na ang Kasulatan ay walang kamalian at may kapamahalaang galing sa Diyos.(13)

  1. 2 Tim. 3:14-15

  2. Deut. 31:11-13; Jer. 23:28-29; Mar. 16:15-16; Lu. 16:27-31; Juan 6:63; 20:31; Gal. 1:8-9; Heb. 4:12-13; 1 Ped. 1:23-25

  3. Mat. 16:17; Juan 3:3; I Cor. 2:4-5,10-12,14; 1 Tes. 1:5-6; 1 Juan. 2:20-21 at 27

6. Ang kabuuan ng kapahayagan ng Diyos tungkol sa lahat ng bagay na mahalaga sa Kanyang kaluwalhatian, sa kaligtasan, pana-nampalataya at buhay ng tao ay nasa Kasulatan. Ang mga ito ay maliwanag na isinulat o di kaya ay inihayag ng di-tuwiran. Walang anumang maaaring idagdag sa Kasulatan maging ito'y ipinalagay na pahayag ng Espiritu o mga turo ng tao o tradisyon.(14) Gayon pa man, kinikilala namin ang pagpapaunawa ng Banal na Espiritu. Ito ay mahalaga para sa kinakailangang pang-unawa sa mga ipinahayag ng Kasulatan.(15) May mga bahagi ng pagsamba sa Diyos at ng pamamahala ng Iglesia na maaari nating gawin ayon sa pang-unawang Cristiano. Ang lahat ng ito ay dapat maging ayon sa pangkalahatang pagtuturo ng Kasulatan na siyang dapat nating sundin.(16)

  1. Deut. 4:2; Aw. 19:7; 119:6,9,104,128; Gawa 20:20,27; Gal. 1:8-9; 2 Tim .3:15-17

  2. Juan. 6:45; I Cor. 2:9-12

  3. 1 Cor. 14:26,40

7. Ang mga nilalaman ng Kasulatan ay nagkakaiba-iba sa kanilang antas ng kalinawan,(17) at ang ilang mga tao ay may higit na pag-unawa kaysa iba.(18) Gayon man yaong mga bagay na mahalaga sa kaligtasan ng tao na kailangan na malaman, sampalatayanan at isabuhay ay napakalinaw na inihayag at ipinaliwanag sa ilang bahagi. Kaya ang mga taong may pinag-aralan o wala ay magkakaroon ng sapat na pagkaunawa ng mga ito kung sila lamang ay gagamit ng karaniwang pamamaraan.(19)

  1. 2 Ped. 3:16

  2. 2 Tim. 3:15-17

  3. Deut. 30:11-14; Aw. 19:7-8; 119:105; 2 Tim. 3:14-17; 2 Ped. 1:19

8. Ang Lumang Tipan sa Hebreo at Bagong Tipan sa Griego (ibig sabihin ang orihinal na wika bago isinalin sa ibang wika) ay hiningahan ng Diyos.(20) At simula noon, sa pamamagitan ng Kanyang natatanging pag-iingat at probidensiya, ang mga ito ay napanatiling dalisay. Ang mga ito nga ay tunay at totoo, kaya't dapat maging laging batáyan ng pagtatalong pang-relihiyon.(21) Ang Banal na Kasulatan ay mahalaga at kapakipakinabang sa mga mananampalataya kaya ipinag-uutos na basahin(22) at saliksikin ito(23) nang may takot sa Diyos. Dahil hindi lahat ng mga tao ay nakakaunawa ng wikang Hebreo at Griego, ang Kasulatan ay dapat isalin sa lahat ng wika ng tao.(24) Ito'y upang higit na marami ang makaalam ng katotohanan, makakilala at makasamba sa Diyos sa katanggap-tanggap na paraan at sa pamamagitan ng pagtitiis at pag-aliw ng Kasulatan ay magkaroon ng pag-asa.(25)

  1. Rom. 3:2

  2. Mat. 5:18

  3. Isa. 8:20; Juan 10:34-36; Gawa 15:15; 2 Tim. 3:16-17

  4. Deut. 17:18-20; Kaw. 2:1-5; 8:34; Juan 5:39,46

  5. 1 Cor. 14:6,9,11,12,24,28

  6. Rom. 15:4; Col. 3:16

9. Isang tiyak at di-maaaring magkamaling tuntunin na ang Kasulatan ay bibigyang-pakahulugan sa pamamagitan ng Kasulatan. Kaya't kung may pagtatalo ukol sa tunay na kahulugan ng isang bahagi, ang kasagutan ay dapat hanapin sa higit na malinaw na bahagi ng Kasulatan.(26)

  1. Isa. 8:20; Juan 10:34-36; Gawa 15:15, 16; 2 Ped. 1:20-21

10. Ang lahat ng pagtatalo sa relihiyon ay dapat tugunin sa pamamagitan ng Kasulatan lamang. Ang mga utos ng anumang kapulungan, kuru-kuro ng mga sinaunang doktrina ng mga tao ay tatangapin o tatanggihan ayon sa hatol ng Kasulatan na ibinigay sa atin ng Banal na Espiritu. At sa kahatulang ito, tayo ay maninindigan.(27)

  1. Mat. 22:29-32; Gawa 28:23-25; Ef. 2:20

KABANATA 2

ANG DIYOS AT ANG BANAL NA TRINIDAD

1. Mayroon lamang isa, at tanging isang, buháy at tunay na Diyos.(1) Siya ay nabubuhay sa Kanyang sarili(2) at walang hangganan sa Kanyang pagka-Diyos at kasakdalan.(3) Siya lamang ang dalisay na Espiritu,(4) di-nakikita, walang katawan at mga sangkap na pabagu-bagong damdamin ng mga tao. Siya lamang ang walang kamatayan, at tumatahan sa kaliwanagan na di-kayang abutin ng sinuman.(5) Siya ay hindi nagbabago,(6) walang hangganan,(7) hindi malilirip,(8) makapangyarihan sa lahat at walang hanggan.(9) Siya ay kabanal-banalan,(10) lubos ang kaganapan, ganap na makapangyarihan, at ganap na malaya. Ginagawa Niya ang lahat ayon sa Kanyang di-nababagong matuwid na kalooban(11) at tungo sa Kanyang sariling kaluwalhatian.(12) Siya ay puspos ng kabutihan at katotohanan. Siya ay nagpapatawad ng kasamaan, pagsuway at kasalanan. Siya ay nagpapala sa mga humahanap sa Kanya ng buong puso.(13) Nguni't Siya ay napopoot sa lahat ng kasalanan. Hindi Niya maaaring palampasin ang kasalanan(14) o ariing walang sala ang salarin,(15) at Siya ay ganap na makatarungan sa paghatol.(16)

  1. Deut. 6:4; 1 Cor. 8:4-6; 1 Tes. 1:9

  2. Isa. 48:12; Jer. 10:10

  3. Ex. 3:14; Job 11:7-8; 26:14; Aw. 145:3; Rom. 11:33-34.

  4. Juan 4:24

  5. Deut. 4:15-16; 1 Tim. 1:17; Lu. 24:39; Gawa 14:11,15

  6. Mal. 3:6; San. 1:17

  7. Aw. 90:2; 1 Tim. 1:17

  8. 1 Hari 8:27; Jer. 23:23-24

  9. Gen. 17:1; Apoc. 4:8

  10. Isa. 6:3; 1 Ped. 1:16

  11. Aw. 115:3; Isa. 46:10; Ef. 1:11

  12. Kaw. 16:4; Rom. 11:36; 16:27

  13. Ex. 34:6-7; Heb. 11:6; 1 Juan 4:8

  14. Aw. 5:5-6

  15. Ex. 34:7; Nah. 1:2-3

  16. Neh. 9:32-33

2. Ang Diyos ay sapat sa lahat, at ang lahat ng buhay,(17) kaluwalhatian,(18) kabutihan(19) at pagpapala ay matatagpuan sa Kanya at sa Kanya lamang. Hindi Siya nangangailangan ng anuman sa Kanyang nilikha, ni hindi Siya kumukuha ng anumang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian mula sa kanila.(20) Sa halip ay Kanyang inihahayag ang Kanyang sariling kaluwalhatian sa kanila sa pamamagitan nila. Siya ang bukal ng lahat ng buhay, at ang simula, daluyan at patutunguhan ng lahat ng mga bagay.(21) Siya ang nakapangyayari sa lahat ng Kanyang nilikha. Ginagamit Niya ang Kanyang nilikha ayon sa Kanyang kaluguran, at ginagawa ang lahat ng Kanyang loobin.(22) Ang lahat ng mga bagay ay nakalantad sa Kanyang paningin.(23) Ang Kanyang kaalaman ay hindi maaaring magkamali,(24) sapagka't ito'y hindi nakasalalay sa anumang nilikha. Siya ay kabanal-banalan sa lahat ng Kanyang pasiya, mga gawain(25) at mga kautusan. Ang mga anghel at ang mga tao'y dapat sumamba,(26) maglingkod at tumalima, at ibigay ang anumang Kanyang hingin sa kanila bilang kanilang Manlilikha.

  1. Juan 5:26; 1 Tim. 6:15,16

  2. Aw. 148:13; Gawa 7:2

  3. Aw. 119:68

  4. Job 22:2-3; Gawa 17:24-25

  5. Rom. 11:34-36

  6. Dan. 4:25, 34-35; Apoc. 4:11

  7. Heb. 4:13

  8. Aw. 147:5; Ez. 11:5; Gawa 15:18

  9. Aw. 145:17

  10. Apoc. 5:12-14

3. May tatlong Persona sa iisang Diyos - ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu.(27) Sila ay isa sa kabuuan, sa kapangyarihan at sa kawalang-hanggan. Ang bawa't Isa ay ganap na Diyos, gayon man ang pagka-Diyos ay iisa at di-nahahati.(28) Ang buhay ng Ama ay walang pinanggalingan. Siya ang Ama ng Kanyang bugtong na Anak(29) na mula sa walang hanggan. Ang Banal na Espiritu ay nagbuhat sa Ama at sa Anak.(30) Ang tatlong Personang ito ay iisang Diyos na di-mahahati sa kalikasan o buhay. Kinikilala ng Banal na Kasulatan ang Kanilang pagkakaiba-iba sa Kanilang personal na kaugnayan sa pagka-Diyos at sa iba't iba Nilang gawain. Ang tatlong Persona na iisang Diyos ay batayan ng lahat ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.

  1. Mat. 3:16-17; 28:19; 2 Cor. 13:14

  2. Ex. 3:14; Juan 14:11; 1 Cor. 8:6

  3. Kaw. 8:22-31; Juan 1:1-3,14,18; 3:16; 10:36; 16:28; Heb. 1:2; 1 Juan 4:14; Gal 4:4-6

  4. Juan 14:26; 15:26

KABANATA 3

ANG PAGTATAKDA NG DIYOS (GOD'S DECREE)

1. Mula sa walang hanggang pasimula, itinakda ng Diyos ang lahat ng mangyayari sa panahon.(1) Ito ay Kanyang ginawa na malaya at walang pagpapalit, na sinangguni lamang ang Kanyang sariling marunong at banal na kalooban.(2) Gayon pa man, hindi Siya ang may-akda ng kasalanan ni naging bahagi nito sa anumang paraan.(3) Hindi rin Niya nilabag ang kalooban ng alin mang nilikha; ni isina-isang tabi ang likas na kalayaan ng ikalawang sanhi, bagkus ang mga ito ay itinatag pa nga.(4) Sa lahat ng ito, ang Kanyang ganap na karunungan, kapangyarihan at katapatan ay nakikita sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga itinakda.(5)

  1. Aw. 115:3; 135:6; Kaw. 19:21; Isa. 14:24-27; 46:10-11; Ef. 1:11; Heb. 6:17; Rom. 9:15,18-19

  2. Dan. 4:34-35; Rom. 8:28; 11:36; Ef. 1:11

  3. Gen. 18:25; San. 1:13-15; 1 Juan 1:5

  4. Gen. 50:20; 2 Sam. 24:1; Isa. 10:5-7; Mat. 17:12; Juan 19:11; Gawa 2:23; 4:27-28;

  5. Num. 23:19; Ef. 1:3-5

2. Ang pagtatakda ng Diyos ay hindi batay sa Kanyang paunang kaalaman ng mga mangyayari(6) ayon sa ilang kondisyon.(7)

  1. 1 Sam. 23:11-12; Mat. 11:21,23; Gawa 15:18

  2. Isa. 40:13-14; Rom. 9:11-18; 11:34; 1 Cor. 2:16

3. Ayon sa pagtatakdang nagtatanghal ng Kanyang kaluwalhatian, ang Diyos ay humirang ng mga tao at mga anghel sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.(8) Dito ay nahayag ang kapurihan ng Kanyang biyaya.(9) Ang iba naman ay hinayaan sa kanilang kasalanan, at matuwid na hatol, at dito ay nahayag ang kapurihan ng Kanyang katarungan.(10)

  1. . Mat. 25:34; 1 Tim. 5:21

  2. Ef. 1:5,6

  3. Juan 12:37-40; Rom. 9:6-24; 1 Ped. 2:8-10; Jud. 4

4. Ang paghirang ng Diyos sa mga anghel at mga tao ay may tiyak na bilang at hindi mababago.(11)

  1. Mat. 22:1-14; Juan. 13:18; Rom. 11:5-6; 1 Cor. 7:20-22; 2 Tim. 2:19

5. Ang mga tao na itinakda sa buhay na walang hanggan ay hinirang ng Diyos bago pa itinatag ang sanlibutan. Sila'y hinirang kay Cristo ayon sa malayang biyaya at pag-ibig(12) at hindi dahil sa anumang sanhi na nasa Kanyang nilalang. Ang lahat ng ito ay ayon sa Kanyang di-nagbabagong layon at di-matarok na panukala.(13)

  1. Ef. 1:4-6,9,11; Rom. 8:30; 2 Tim. 1:9; 1 Tes. 5:9

  2. Rom. 9:11-16; 11:5-6; Ef. 2:5,12

6. Maging ang mga hinirang ng Diyos, ang mga anak ni Adan, ay kasama sa pagkahulog sa kasalanan. Kaya't bukod sa pagtatakda sa kanila sa kaluwalhatian ay itinakda rin ng Diyos ang lahat ng kaparaanan(14) tungo sa kanilang mabisang pagtawag sa pananampalataya at katubusan kay Cristo.(15) Sila'y inaaring-ganap, kinukupkop, pinababanal(16) at iniingatan ng Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pananampalataya.(17) Tanging ang hinirang lamang ang may bahagi sa dakilang pagpapala ng kaligtasan.(18)

  1. Ef. 1:4; 2:10; 2 Tes. 2:13; 1 Ped. 1:2

  2. 1 Tes. 5:9-10; Tit. 2:14

  3. Rom. 8:30; Ef. 1:5; 2 Tes. 2:13

  4. 1 Ped. 1:5

  5. Juan 6:64-65; 8:47; 10:26; 17:9; Rom. 8:28; 1 Juan 2:19

7. Ang malalim na hiwaga ng pagtatakda ay dapat na gamitin na may tanging pag-iingat at karunungan.(19) Sila'y magpapasakop sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang Salita at makakatiyak ng kanilang pagkahirang mula sa katiyakan ng kanilang mabisang pagkatawag.(20) Sa ganitong paraan ang katuruang ito ay magtataguyod sa pagpuri, paggalang at paghanga sa Diyos.(21) Ito rin ay pupukaw ng kababaang-loob,(22) pagsisikap(23) at kaaliwan sa lahat na sumusunod sa ebanghelyo.(24)

  1. Deut. 29:29; Rom. 9:20; 11:33

  2. 1 Tes. 1:4-5; 2 Ped. 1:10

  3. Ef. 1:6; Rom. 11:33

  4. Rom. 11:5-6,20; Col. 3:12

  5. 2 Ped. 1:10

  6. Lu. 10:20

KABANATA 4

PAGLIKHA

1. Nang pasimula ay nalugod ang Diyos - Ama, Anak at Banal na Espiritu(1) - na likhain ang sanlibutan at lahat ng bagay na nandoon(2) sa loob ng anim na araw.(3) Ang lahat ay pawang napakabuti.(4) Sa ganitong paraan ay niluwalhati ng Diyos ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan, kabutihan at karunungan.(5)

  1. Gen. 1:2; Job 26:13; 33:4; Juan 1:2-3; Heb. 1:2;

  2. Gen. 1:1; Juan 1:2; Col. 1:16

  3. Gen. 2:1-3; Ex. 20:8-11

  4. Gen. 1:31; Ec. 7:29; Rom. 5:12

  5. Aw. 33:5-6; 104:24; Kaw. 3:19; Jer. 10:12; Gawa 14:15-16; Rom. 1:20

2. Ang lahat ng nilalang ay ginawa ng Diyos. Ang panghuli na nilikha ay ang lalaki at babae na binigyan ng kapamahalaan sa lahat ng ibang nilikha sa ibabaw ng lupa. Ang Diyos ay nagbigay sa lalaki at babae ng kakayahang mangatuwiran at walang kamatayang kaluluwa.(6) Ang kanyang buong pagkatao ay inakma sa isang buhay na may pagkakasundo sa Diyos. Sila ay nilikha ayon sa Kanyang wangis, na nagtataglay ng kaalaman, katuwiran at tunay na kabanalan.(7) Ang banal na utos ng Diyos ay isinulat sa kanilang mga puso(7) at mayroon silang kakayahang sundin ang mga ito nang lubusan. Gayon man, dahil sila ay binigyang layang gamitin ang kanilang kalooban, maaari silang magkasala.(8)

  1. Gen. 1:27; 2:7; Ec. 12:7; Mat. 10:28; San. 2:26

  2. Gen. 1:26-27; 5:1-3; 9:6; Ec. 7:29; 1 Cor. 11:7; Ef. 4:24; Col. 3:10; San. 3:9

  3. Gen. 3:6; Ec. 7:29; Rom. 1:32; 2:12a,14-15; 5:12

3. Ang kautusan ng Diyos ay nasulat sa mga puso nina Adan at Eba. Nguni't pinagbawalan silang kumain ng bunga ng puno ng pagkakilala ng mabuti at masama.(9) Ang kanilang kaligayahan at pakikisama sa Diyos ay nababatay sa kanilang ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos, gayon din ang pagpapatuloy ng kanilang pamamahala sa lahat ng nilikha.

  1. Gen. 1:26,28; 2:17

KABANATA 5

PROBIDENSIYA NG DIYOS

1. Sa Kanyang walang hanggang kapangyarihan at karunungan(1) ay nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay.(2) Siya rin ang umaalalay, namamatnugot, nangangasiwa, at namamahala(3) sa lahat ng ito, may buhay man o wala, dakila man o munti.(4) Ito ang Kanyang probidensiya na sakdal sa karunungan at kabanalan,(5) at sumasang-ayon sa Kanyang di-nagkakamaling paunang kaalaman at sa malaya at di-nagbabagong kalooban.(6) Isinasakatuparan Niya ang layunin ng pagkalikha sa lahat ng bagay upang ang Kanyang karunungan, kalakasan at katarungan, kasama ang Kanyang walang hanggang kabutihan at kaawaan, ay mapapurihan at maluwalhati.(7)

  1. Gen. 1:31; 2:18; Aw. 119:68

  2. Aw. 66:7; 145:11; Kaw. 3:19

  3. Job 38-41; Aw. 135:6; Isa. 46:10-11; Dan. 4:34-35; Gawa 17:25-28; Heb. 1:3;

  4. Mat. 10:29-31

  5. Aw. 104:24; 145:17; Kaw. 15:3;

  6. Aw. 33:10; Ef. 1:11

  7. Gen. 45:7; Aw. 145:7; Isa. 63:14; Gawa 17:24-28; Rom. 9:17; Ef. 3:10; Col. 1:16-17;

2. Walang nangyayari na nagkakataon lamang at hindi sakop ng probidensiya ng Diyos. Ang Panginoon ang Unang Sanhi ng lahat ng pangyayari. Gayon man, sa pamamagitan ng Kanyang probidensiya,(8) ang Diyos ay nangangasiwa ng mga ito sa pamamaraang ang ikalawang sanhi ay nagbibigay ng kanilang bahagi. Sila ay kumikilos na walang pagbabagong utos o malaya o nakabatay sa ibang sanhi.(9)

  1. Kaw. 16:33; Gawa 2:23

  2. Gen. 8:22; Ex. 21:13; Deut. 19:5; Ruth 2:3; 1 Hari 22:28,34; Kaw. 20:18; 21:31; Isa. 10:6-7; Jer. 31:35; Mat. 5:20-21; Lu. 13:3,5; 14:25ss.; Gawa 27:31; Fil. 1:19

3. Karaniwan sa Kanyang probidensiya, ang Diyos ay gumagamit ng mga kasangkapan.(10) Nguni't Siya ay malaya na gumawa kahit wala ang mga ito,(11) o higit sa kanilang kakayahan(12) o salungat sa kanilang kalikasan.(13)

  1. Isa. 55:10,11; Oseas 2:21-22; Gawa 27:22,31,44

  2. Oseas 1:7; Lu. 1:34-35

  3. Rom. 4:19-21

  4. Ex. 3:2-3; 2 Hari 6:6; Dan. 3:27

4. Ang kapangyarihan ng Diyos, di-masayod na karunungan at walang hanggang kabutihan ay umaabot at sumasakop sa lahat. Anupa't ang pagkahulog ng unang tao sa kasalanan at ang lahat ng kasalanang ginagawa ng mga anghel at mga tao,(14) ay saklaw ng Kanyang makapangyarihang layunin. Hindi ito pagbibigay-pahintulot lamang. Sa iba't ibang paraan ay Kanyang binibigyang hangganan at pinamamahalaan ang mga masamang gawa upang ito ay mauwi sa Kanyang itinalagang banal na layunin.(15) Gayon man ang kasalanan ay mula lamang sa mga anghel at mga tao at hindi sa Diyos na yamang banal at matuwid ay hindi maaaring gumawa o sumang-ayon sa kasalanan.(16)

  1. 2 Sam. 16:10; 24:1; 1 Hari 22:22-23; 1 Cron. 21:1; Gawa 2:23; 4:27-28; Rom. 11:32-34;

  2. Gen. 50:20; 2 Hari 19:28; Aw. 76:10; Isa. 10:6,7,12; Gawa 14:16

  3. Aw. 50:21; San. 1:13,14,17; 1 Juan. 2:16

5. Ang Diyos na pinakamarunong sa lahat, matuwid at mapagbiyaya ay may pagkakataon na pinahihintulutan ang Kanyang mga anak na mahulog sa iba't ibang uri ng tukso upang maranasan ang pagkamakasalanan ng kanilang sariling mga puso. Ito ay bilang pagdidisiplina sa kanila dahil sa ginawang kasalanan o kayá ay pagtuturo ng kababaang-loob sa pagpapakita sa kanila ng natatagong kasamaan at daya na nananatili sa kanilang puso. Layunin din Niya na kanilang makita ang lubos nilang pangangailangan sa Diyos sa lahat ng oras. Tutulong ito sa kanila na magbantay laban sa pagkakasala sa hinaharap. Sa ganito at sa iba pang mga kaparaanan, ang Kanyang matuwid at mga banal na layunin ay naisasagawa.(17) Kaya nga ang lahat ng nangyayari sa Kanyang mga hinirang ay sa pamamagitan ng Kanyang pagtatakda, sa Kanyang ikaluluwalhati at sa kanilang ikabubuti.(18)

  1. 2 Sam. 24:1; 2 Cron. 32;25-31; Mar. 14:66-67; Lu. 22:34-35; Juan 21:15-17; 2 Cor. 12:7-9

  2. Rom. 8:28

6. Ang Diyos na matuwid na hukom ay may ibang pakikitungo sa mga masama at di-makadiyos na tao. Ginagantihan Niya sila ng pagkabulag at katigasan ng puso(19) dahil sa kanilang kasalanan. Hindi Niya ipinagkakaloob sa kanila ang biyaya na maaaring magbigay liwanag sa kanilang isip at gumawa sa kanilang puso,(20) at may pagkakataon din na Kanyang binabawi ang kaloob na ibinigay sa kanila.(21) Gayon din, inilalagay sila ng Diyos sa isang kalagayan na pumupukaw sa kanilang puso na magkasala.(22) Samakatuwid baga'y Kanyang iniiwan sila sa kanilang sariling kabulukan, sa mga tukso sa sanlibutan at sa kapangyarihan ni Satanas,(23) na nagbubunga ng kanilang pagmamatigas, sa pamamagitan ng paggamit ng mga mismong kasangkapan na ginagamit ng Diyos para sa pagpapalambot ng mga puso ng mga iba.(24)

  1. Rom. 1:24-28; 11:7-8

  2. Deut. 29:4;

  3. Mat. 13:12; 25:29

  4. Deut. 2:30; 2 Hari 8:12-13

  5. Aw. 81:11-12; 2 Tes. 2:10-12

  6. Ex. 7:3; 8:15,32; Isa. 6:9-10; 8:14; Juan 12:39-40; Gawa 28:26-27; 2 Cor .2:15-16; 1 Ped. 2:7

7. Ang pangkabuuang probidensiya ng Diyos ay sumasaklaw sa lahat na nilikha. Nguni't ang namumukod-tanging paraang ito ay ginagawa sa pag-iingat ng Kanyang iglesia. Ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan para sa ikabubuti ng Iglesia.(25)

  1. Kaw. 2:7-8; Isa. 43:3-5,14; Amos 9:8-9; Rom. 8:28; Ef. 1:11,22; 3:10-11,21; 1 Tim. 4:10

KABANATA 6.

ANG PAGKAHULOG NG TAO: ANG KASALANAN AT ANG KAPARUSAHAN NITO

1. Ang tao ay nilikha ng Diyos na matuwid at ganap. Ang matuwid na kautusan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay nagsasaad ng buhay na nakasalalay sa kanyang pagsunod, at nagbabanta ng kamata-yan kung siya ay susuway.(1) Ang pagsunod ni Adan ay hindi nagtagal. Ginamit ni Satanas ang katusuhan ng ahas upang tuksuhin si Eba na magkasala. Pagkatapos nito si Eba naman ang humikayat sa kanyang asawa na si Adan na magkasala. Kusang-loob na sinuway ni Adan ang kautusang nakasulat sa kanyang puso at kanya ring kinain ang ipinagbabawal na bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.(2) Pinahintulutan ng Diyos na maganap ang lahat na ito bilang katuparan ng Kanyang matalino at banal na layunin. Kanyang pinamamahalaan ang lahat ng ito para sa Kanyang Sariling kaluwalhatian.(3)

  1. Gen. 2:16-17; 4:25-5:3; Ec. 7:29; Rom. 5:12a,14-15

  2. Gen. 3:1-7,12-13; 2 Cor. 11:3; 1 Tim. 2:14

  3. 2 Sam. 16:10; 24:1; 1 Hari 22:22-23; 1 Cron. 21:1; Gawa 2:23; 4:27-28; Rom. 11:32-34

2. Dahil sa kasalanang ito ay nawala ang dating katuwiran at pakikisama sa Diyos ng ating unang mga magulang. Kasangkot tayong lahat sa kanilang kasalanan. Dahil dito, nararanasan ng lahat ang kamatayan.(4) Ang lahat ng mga tao ay naging patay dahil sa kasalanan at ang kanilang buong katawan at kaluluwa ay lubusang nadungisan.(5)

  1. Gen. 3:22-24; 8:21; Aw. 51:4-5; 58:3; Kaw. 22:15; Rom. 3:23; 5:12ss.; 1 Cor. 15:20-22; Ef. 2:1-3

  2. Gen. 2:17; 6:5; Jer. 17:9; Juan 5:40; Rom. 1:21; 3:10-19; 8:7; Ef. 2:1; 4:17-19; Tit. 1:15

3. Ang lahat ng tao ay nanggaling kina Adan at Eba. Sila ang kumakatawan sa buong sangkatauhan. Dahil dito, ang lahat ng tao ay ibinilang sa kanilang sala. Gayon din, mula sa kapanganakan, ang lahat ng tao ay may masamang likas na galing sa unang mga magulang. Dahil dito, ang lahat ay sumasailalim sa kapootan ng Diyos, mga alipin ng kasalanan at mga nasa ilalim ng kapangyarihan ng kamatayan. Ito rin ang dahilan ng pagdanas ng tao ng lahat ng uri ng kahirapan, espiritual at pisikal, ngayon at magpakailanman. Tanging ang Panginoong Jesu-Cristo ang makapagpapalaya sa tao mula sa lahat na ito.(6)

  1. Job 14:4; 15:14; Aw. 51:4-5; 58:3; Kaw. 22:15; Rom. 5:12-19; 1 Cor. 15:21-22,45,49; Ef. 2:1-3; 1 Tes. 1:10; Heb. 2:14-15

4. Ang mga kasalanang ginagawa ng mga tao ay bunga ng kanilang masamang kalikasan.(7) Dahil sa kasamaang ito, ang lahat ng mga tao ay nakahilig sa lahat ng kasamaan; sinisira sila ng kasalanan. Sila ay lubos na walang pagnanais na gumawa ng mabuti at salungat sila sa lahat ng kabutihan.(8)

  1. Mat. 7:17-20; 12:33-35; 15:18-20

  2. Mat. 7:17-18; 12:33-35; Lu. 6:43-45; Juan 3:3,5; 6:37,39-40,44-45,65; Rom. 3:10-12; 5:6; 7:18; 8:7-8; 1 Cor. 2:14

5. Sa buhay na ito, ang kasamaan ng kalikasan ay nananatili sa mga ipinanganak na muli.(9) Bagama't ang mga ito ay pinatawad at pinatay sa pamamagitan ni Cristo, gayon man ang masamang likas na ito at lahat ng kanyang mga gawa ay tunay at totoong kasalanan.(10)

  1. 1 Hari 8:46; Aw. 130:3; 143:2; Kaw. 20:9; Ec. 7:20; Rom. 7:14-25; San. 3:2; 1 Juan 1:8-10

  2. Gen. 8:21; Aw. 51:4-5; Kaw. 15:26; 22:15; Mat. 5:27-28; Rom. 7:5,7-8, 17-18,23-25; 8:3-13; Gal. 5:17-24; Ef. 2:3

KABANATA 7

ANG TIPAN NG DIYOS

1. Ang agwat ng Diyos at tao ay napakalayo. Bagama't may isip na nilikha ay dapat siyang sumunod sa kanyang Maylikha, sa kanyang sarili ay hindi niya kayang makaabot sa gantimpala ng buhay. Tanging sa kusang pagpapakababa ng Diyos at sa pamamagitan ng tipan maaa-ring maganap ang ugnayan sa Diyos.(1)

  1. Job 35:7-8; Aw. 113:5-6; Isa. 40:13-16; Lu. 17:5-10; Gawa 17:24-25

2. Yamang ang tao ay nahulog sa pagkakasala at napailalim sa sumpa ng kautusan ng Diyos, kinalugdan pa rin ng Diyos na gumawa ng isang tipan ng biyaya.(2) Dito ay malaya Niyang inialok ang buhay at kaligtasan sa makasalanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Hinihingi ng Diyos na sila'y sumampalataya kay Cristo upang maligtas.(3) Kanya ring ipinangako na ibibigay ang Banal na Espiritu sa lahat ng Kanyang hinirang sa buhay na walang hanggan, upang sila'y magkusa at magkaroon ng kayang sumampalataya.(4)

  1. Gen. 3:15; Aw. 110:4 (at Heb. 7:18-22; 10:12-18); Ef. 2:12 (at Rom. 4:13-17; Gal. 3:18-22); Heb. 9:15

  2. Mar. 16:15-16; Juan 3:16; Rom. 10:6,9; Gal. 3:11

  3. Ez. 36:26-27; Juan 6:44-45

3. Ang tipan ng Diyos ay ipinahayag sa ebanghelyo; una kay Adan, sa pangako ng kaligtasan, "sa pamamagitan ng binhi ng babae",(5) at pagkatapos ay nagpatuloy hanggang sa ganap na pagpapahayag ng kaligtasan sa Bagong Tipan.(6) Ang kaligtasan ng mga hinirang ay batay sa kasunduan ng Ama at Anak noong walang hanggang pasimula.(7) Nagtamo ng buhay na walang hanggan ang mga naligtas mula sa lahi ni Adan sa pamamagitan lang ng biyaya na dulot ng tipang ito. Ang tao ay walang magagawa upang maging katanggap-tanggap sa harapan ng Diyos batay sa mga kondisyon na ibinigay kay Adan noong siya ay di pa nagkakasala.(8)

  1. Gen. 3:15

  2. Rom. 16:25-27; Ef. 3:5; Tit. 1:2; Heb. 1:1-2

  3. Aw. 110:4; Ef. 1:3-11; 2 Tim. 1:9

  4. Juan 8:56; Gawa 4:12; Rom. 4:1-25; Gal. 3:18-22; Heb. 11:6,13,39-40

KABANATA 8

SI CRISTO - ANG TAGAPAMAGITAN

1. Ayon sa kasunduan ng Ama at Anak noong walang hanggang pasimula ay ikinalugod ng Diyos(1) na piliin at italaga ang Panginoong Jesus, ang Kanyang bugtong na Anak,(2) na maging Tagapamagitan sa Diyos at sa tao;(3) na Siyang Propeta,(4) Saserdote(5) at Hari(6), Puno at Tagapagligtas ng Kanyang Iglesia(7). Siya rin ang Tagapagmana ng lahat ng bagay(8) at Hukom ng sanlibutan.(9) Ibinigay ng Ama kay Cristo mula sa walang hanggang pasimula ang mga hinirang upang maging mga anak ng Diyos. Si Cristo naman, sa takdang panahon, ay tumubos, tumawag, umaring-ganap, nagpabanal at lumuwalhati sa kanila.(10)

  1. Isa. 42:1; Juan 3:16; 1 Ped. 1:19-20

  2. Aw. 110:4; Heb. 7:21-22

  3. 1 Tim. 2:5;

  4. Gawa 3:22;

  5. Heb. 5:5-6

  6. Aw. 2:6; Lu. 1:32-33

  7. Ef. 1:22-23

  8. Heb. 1:2

  9. Gawa 17:31

  10. Aw. 22:30; Isa. 53:10; 55:4-5; Juan 17:6; Rom. 8:30; 1 Cor. 1:30; 1 Tim. 2:6

2. Ang Anak ng Diyos, ang ikalawang Persona sa banal na Trinidad, ay ang tunay at walang hanggang Diyos. Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Ama, isa sa kabuuan at kapantay Niya. Siya ang lumikha ng sanlibutan, umaalalay at namamahala sa lahat ng Kanyang ginawa.(11) Siya, sa takdang panahon,(12) ay nagkatawang-tao, taglay ang lahat ng katangian(13) at kahinaan nito,(14) nguni't walang kasalanan.(15) Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa bahay-bata ng Birheng Maria, isang babae mula sa angkan ni Juda. Kaya nga, gaya ng sinasabi ng Kasulatan, Siya ay ipinanganak ng isang babae na nagmula kay Abraham at David.(16) Sa ganitong paraan, ang dalawang kalikasan, ganap at magka-iba, ay pinag-isa sa iisang Persona. Ang dalawang kalikasan ay hindi nagbabago at hindi naghahalo. Kaya nga-yon, ang Anak ng Diyos ay tunay na Diyos(17) at tunay na tao,(18) nguni't isang Cristo. Siya ang tanging Tagapamagitan sa Diyos at sa tao.(19)

  1. Aw. 102:25 at Heb. 1:10; Isa. 8:12-13 at 3:15; Joel 2:32 at Rom. 10:13; Juan 1:1; 5:18; 8:58; 20:28; Rom. 9:5; Fil. 2:5-6; Tit. 2:13; Heb. 1:8-9; 1 Ped. 2:3 at Aw. 34:8; 2 Ped. 1:1; 1 Juan 5:20

  2. Gal. 4:4

  3. Mat. 4:1-11; 9:10-13,36; 11:19; 26:12,26,36-34,39; Mar. 3:5; 14:8; Lu. 2:40,52; 5:16; 7:44-46; 9:18,28; 10:21; 19:41-44; 22:44; 23:46; Juan 11:35; 13:23; 19:30; Heb. 2:10; 4:15 (at San. 1:13); 5:8; 10:5; San. 2:26; 1 Ped. 3:18; 4:1

  4. Mat. 4:2; 8:24; 21:18; Mar. 11:12; Juan 4:6-7; 19:28; Rom. 8:3; Gal. 4:4; Heb. 2:10,18; 5:8

  5. Isa. 53:9; Lu. 1:35; Juan 8:46; 14:30; Rom. 8:3; 2 Cor. 5:21; Heb. 4:15; 7:26; 9:14; 1 Ped. 1:19; 2:22; 1 Juan 3:5

  6. Rom. 1:3-4; 9:5

  7. pareho sa bilang 11.

  8. Gawa. 2:22:13:38; 17:31; 1 Cor. 15:21; 1 Tim. 2:5

  9. Rom. 1:3-4; Gal. 4:4-5; Fil. 2:5-11

3. Ang Panginoong Jesus, Diyos at tao, ay ibinukod at pinahiran ng puspos ng Banal na Espiritu. Nasa Kanya ang lahat ng karunu-ngan at kaalaman. Ikinalugod ng Ama na ang buong kapuspusan ng biyaya at katotohanan ay manahan sa Kanya. Palibhasa'y banal, walang sala, walang dungis, kaya Siya ay naging karapat-dapat na tumupad ng gawain ng isang tagapamagitan at tagapanagot.(20) Hindi Niya itinalaga ang Kanyang sarili sa gawaing ito kundi Siya'y tinawag at sinugo ng Kanyang Ama. Ang Kanyang Ama ay nagkaloob sa kanya ng buong kapangyarihan at paghatol. Gayon din, inatasan Siya na gamitin ang mga ito.(21)

  1. Aw. 45:7; Juan 1:14; Gawa 10:38; Col. 1:19; 2:3; Heb. 7:22,26

  2. Mat. 28:18; Juan 5:22, 27; Gawa 2:36; Heb. 5:5

4. Kusang-loob na ginanap ng Panginoong Jesus ang tungkulin ng isang tagapamagitan.(22) Upang matupad Niya ito, nagpasakop Siya sa kautusan ng Diyos(23) na Kanyang lubusang ginanap. Dinala Niya ang parusa na dapat ay pagdusahan natin(24) sapagka't Siya ay inaring may sala at isinumpa Siya alang-alang sa atin.(25) Tiniis Niya ang lubhang kalungkutan sa Kanyang kaluluwa, at pinakamasakit na pagdurusa sa Kanyang katawan.(26) Siya'y ipinako sa krus at namatay. Patay Siya nguni't hindi nabulok ang Kanyang katawan.(27) Nang ikatlong araw, Siya ay bumangon mula sa patay sa gayon ding katawan na dumanas ng hirap,(28) at Siya ay umakyat sa langit(29) at umupo sa kanan ng Kanyang Ama, at namamagitan para sa Kanyang hinirang.(30) Sa katapusan ng mundo, babalik Siya upang hatulan ang mga tao at mga anghel.(31)

  1. Aw. 40:7,8 at Heb. 10:5-10; Juan 10:18; Fil. 2:8

  2. Gal. 4:4

  3. Isa. 53:6; Mat. 3:15; 5:17; 1 Ped. 3:18

  4. 2 Cor. 5:21; Gal. 3:10,13

  5. Mat. 26:37,38; 27:46; Lu. 22:44

  6. Gawa 13:37; Fil. 2:8

  7. Juan 20:25,27; 1 Cor. 15:3-4

  8. Mar. 16:19; Gawa 1:9-11

  9. Rom. 8:34; Heb. 9:24

  10. Mat. 13:40-42; Gawa 1:11; 10:42; Rom. 14:9,10; 2 Ped. 2:4; Jud. 6

5. Binigyan ng Panginoong Jesus ng buong kasiyahan ang lahat ng hinihingi ng katarungan ng Diyos,(32) sa pamamagitan ng Kanyang lubusang pagtupad sa kautusan ng Diyos,(33) at sa paghahandog minsan magpakailanman ng Kanyang sarili sa Diyos sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu.(34) Nakapagdulot Siya ng pagkakasundo(35) at binili Niya ang isang walang hanggang mana sa kaharian ng langit(36) para sa lahat ng ibinigay sa Kanya ng Ama.(37)

  1. Rom. 3:25,26; Heb. 2:17; 1 Juan 2:2; 4:10

  2. Rom. 5:19; Ef. 5:2

  3. Heb. 9:14,16; 10:10,14

  4. 2 Cor. 5:18-19; Col. 1:20-23

  5. Heb. 9:15; Apoc. 5:9-10

  6. Juan 17:2

6. Ang halaga ng katubusan ay hindi agad binayaran ni Cristo hanggang sa Siya ay nagkatawang-tao. Gayon pa man, ang halaga, bisa at kapakinabangan ng Kanyang pagtubos ay ibinigay sa lahat ng Kanyang hinirang sa lahat ng panahon mula pa nang lalangin ang sanlibutan.(38) Ito ay naganap sa pamamagitan ng mga pangako, halimbawa at sakripisyo na sa mga ito Siya ay nahahayag. Siya ang itinuring na binhi ng babae na dudurog sa ulo ng ahas(39) (ang diablo). Siya rin ang kordero na pinatay buhat nang itatag ang sanlibutan(40) at Siya rin ang kahapon, ngayon at magpakailanman.(41)

  1. Rom. 4:1-9; Gal. 4:4-5; Heb. 4:2; 13:8;

  2. Gen. 3:15; 1 Ped. 1:10,11

  3. Apoc. 13:8

  4. Heb. 13:8

7. Si Cristo, bilang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, ay guma-gawa ayon sa Kanyang dalawang kalikasan, pagka-Diyos at pagka-tao. Ang bawa't kalikasan ay gumaganap ng nararapat. Gayon man, dahil sa pagkakaisa ng Kanyang Persona, ang bagay na nararapat sa isang kalikasan, sa Banal na Kasulatan, kung minsan ay iginagawad sa Persona sa ikalawang kalikasan.(42)

  1. Juan. 3:13; Gawa 20:28

8. Tiyak at mabisang ibinigay at ipinahayag ni Cristo ang walang hanggang katubusan sa lahat ng Kanyang hinirang.(43) Siya ay namamagitan para sa kanila.(44) Pinag-isa Niya sila sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.(45) Hinihikayat Niya sila na sumampalataya at sumunod,(46) na pinamamahalaan ang kanilang puso ng Kanyang Salita at Espiritu.(47) Pinananagumpayan Niya ang lahat nilang mga kaaway sa pamamagitan ng Kanyang dakilang kapangyarihan at karunungan.(48) Ginagamit Niya ang mga pamamaraan na ayon sa Kanyang kahanga-hanga at di-malirip na pamamahala.(49) Ang lahat ng ito ay naisasakatuparan sa Kanyang malaya at lubos na biyaya, na walang nakitang kabutihan at pananampalataya sa Kanyang mga hinirang.(50)

  1. Juan 6:37, 39; 10:15-16; 17:9

  2. Rom. 8:34; 1 Juan 2:1-2

  3. Rom. 8:1-2

  4. 1 Juan 5:20

  5. Juan 14:16; 15:13,15; 17:6,17; Rom. 8:9,14, 15:18-19; 2 Cor. 4:13; Ef. 1:7-9

  6. Aw. 110:1l 1 Cor. 15:25-26; Col. 2:15

  7. Ef. 1:9-11

  8. Ef. 1:8; 1 Juan 3:8

9. Si Cristo, at Siya lamang, ang nararapat na maging Tagapamagitan sa Diyos at tao. Siya ang Propeta, Saserdote at Hari ng Iglesia ng Diyos. Ang kabuuan o bahagi man ng Kanyang panunungkulan ay hindi maaaring ilipat sa kanino man.(51)

  1. 1 Tim. 2:5

10. Ang tatlong panunungkulan ni Cristo ay kailangan para sa atin. Dahil sa ating kamangmangan, kailangan natin ang Kanyang pagka-propeta.(52) Dahil sa ating pagkahiwalay sa Diyos at kakulangan ng lubos na paglilingkod, kailangan natin ang pagkasaserdote ni Cristo upang mapagkasundo tayo sa Diyos at maging katanggap-tanggap sa Kanya.(53) Dahil sa ating paglayo sa Diyos at kawalang-kakayahan na bumalik sa Kanya at dahilan din sa kailangan natin na mailigtas at maingatan sa ating mga espirituwal na kaaway, kailangan natin ang Kanyang pagkahari upang sumumbat, manaig, magdala, umalalay, magligtas at mag-ingat sa atin, hanggang sa Kanyang makalangit na kaharian.(54)

  1. Juan 1:18

  2. Gal. 5:17; Col. 1:21; Heb. 10:19-21

  3. Aw. 110:3; Lu. 1:74-75; Juan 16:8

KABANATA 9.
ANG KALAYAAN NG KALOOBAN NG TAO


Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689 is published by:

Wisdom Publications
P.O. Box 1233
Quezon City, Philippines

These WWW pages of Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689 copyright © 1997 by Wisdom Publications, P.O. Box 1233, Quezon City, Philippines, and are placed on the WWW with permission. They may be freely copied and used, but not for profit. For any other commercial use, contact Wisdom Publications for permission.


Electronic text provided by Pastor Brian Ellis, Cubao Reformed Baptist Church, Quezon City, Philippines. HTML by Pastor Brian Ellis & Webservant, Bill Newcomer. August, A.D. 1997.