Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

Page 2


KABANATA 9.

ANG KALAYAAN NG KALOOBAN NG TAO

1. Nilikha ng Diyos ang tao na may likas na kalayaan ng kalooban at kapangyarihan na gumawa ayon sa kanyang nais. Hindi siya mapipilit na gumawa ng mabuti o masama.(1)

  1. Deut. 30:19; Mat. 17:12; San. 1:14

2. Sa orihinal na kabanalan ng tao, siya ay may kalayaan at kapangyarihan na loobin at gawin ang mabuti at kalugud-lugod sa Diyos.(2) Nguni't, yamang hindi matatag, ay maaari siyang mahulog sa kasalanan.(3)

  1. Ec. 7:29

  2. Gen. 3:6

3. Sa kanyang pagkahulog sa kasalanan, lubusang nawala ang kakayahan ng tao na loobin at gawin ang anumang espirituwal na kabutihan.(4) Ang tao sa kanyang kalikasan ay patay dahil sa kasalanan(5) at pawang laban sa anumang mabuti. Hindi niya kaya, sa kanyang sariling lakas, na magbalik-loob sa Diyos o ihanda man lamang ang kanyang sarili sa pagbabalik-loob sa Diyos.(6)

  1. Jer. 13:23; Mat. 7:17-18; 12:33-37; Lu. 6:43-45; Juan 3:3,5; 5:40; 6:37,39,40,44,45,65; 8:31-34; Gawa 7:15; Rom. 3:10-12; 5:6, 6:16,20; 8:7; 1 Cor. 2:14; 2 Cor. 3:14; 4:3-4;

  2. Ef. 2:1,5

  3. Juan 1:12-13; 6:44; Gawa 11:18; Rom. 9:16-18; Ef. 2:8-9; Fil. 1:29; Tit. 3:3-5

4. Kapag binago ng Diyos ang isang makasalanan sa kalagayan ng biyaya, pinalalaya siya ng Diyos sa kanyang pagkaalipin sa kasalanan.(7) Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya lamang, binibigyan Niya siya ng kakayahan na loobin at gawin ang espirituwal na kabutihan.(8) Gayon pa man, may nananatili pang kasalanan sa kanya kung kaya't hindi lamang niya niloloob ang gumawa ng mabuti, kundi gayon din ng masama.(9)

  1. Col. 1:13; Juan. 8:36

  2. Fil. 2:13

  3. Rom. 7:14-25; Gal. 5:17

5. Sa pagpasok lamang ng taong iniligtas sa kaluwalhatian, saka ang kanyang kalooban ay nagiging ganap at lubusang malaya na gumawa ng mabuti lamang.(10)

  1. Ef. 4:13; Heb. 12:23

KABANATA 10.

MABISANG PAGTAWAG

1. Ang mga itinalaga ng Diyos sa buhay,(1) sa takdang panahon,(2) ay mabisang tinatawag(3) sa pamamagitan ng Kanyang Salita(4) at Espiritu.(5) Tinatawag Niya sila mula sa dating kalagayan ng kasalanan at kamatayan tungo sa biyaya at kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.(6) Ang kanilang isipan ay binigyan ng espirituwal na kaliwanagan at silang iniligtas ay nakauunawa na ng mga bagay ng Diyos.(7) Inaalis Niya ang kanilang pusong bato at binibigyan sila ng pusong laman.(8) Binabago Niya ang kanilang kalooban at sa pamamagitan ng Kanyang dakilang kapangyarihan, pinagnanais Niya sila na hanapin ang mabuti. Makapangyarihang inilalapit Niya sila kay Jesu-Cristo.(9) Kung magkagayon, kusa silang lumalapit dahil sa pagbabago ng kanilang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.(10)

  1. Rom. 8:28-30; 9:7,22-24; 1 Cor. 1:26-28; 2 Tes. 2:13-14; 2 Tim. 1:9

  2. Juan 3:8; Ef. 1:10-11

  3. Aw. 29; Mat. 22:14; Juan 5:25; Rom. 1:6; 4:17; 1 Cor. 1:23-24; Jud. 1

  4. Rom. 1:16-17; 10:14; 2 Tes. 2:14; Heb. 4:12; San. 1:17-25; 1 Ped. 1:23-25; 1 Juan 5:1-5

  5. Juan 3:3,5,6,8; 2 Cor. 3:3,6

  6. Rom. 8:2; 1 Cor. 1:9; Ef. 2:1-6; 2 Tim. 1:9-10

  7. Gawa 26:18; 1 Cor. 2:10,12; Ef. 1:17-18

  8. Ez. 36:26

  9. Deut. 30:6; Ez. 36:27; Juan 6:44-45; Ef. 1:19; Fil. 2:13

  10. Aw. 110:3; Juan 6:37; Rom. 6:16-18

2. Ang mabisa at makapangyarihang pagtawag ng Diyos ay sa Kanyang malaya at natatanging biyaya lamang. Ito ay isang gawain na hindi batay sa anumang nakitang mabuti sa tao, ni mula sa anumang kalakasan o kakayahan na taglay niya.(11) Ang tao ay patay sa kasalanan at pagsalangsang. Kaya nga ang tao ay lubos na walang bahagi sa gawa ng kaligtasan maliban na siya ay bigyan ng buhay at baguhin ng Banal na Espiritu.(12) Ang kapangyarihan na nagbibigay kakayahan sa kanya na tumugon sa tawag ng Diyos, at tanggapin ang biyayang ipinagkakaloob nito ay walang iba kundi yaong buhat sa pagkabuhay ni Cristo mula sa mga patay.(13)

  1. Rom. 9:11; Ef. 2:4-5,8-9; 2 Tim. 1:9; Tit. 3:4-5

  2. Rom. 8:7; 1 Cor. 2:14; Ef. 2:5;

  3. Ez. 36:27; Juan 5:25; 6:37; Ef. 1:19-20

3. Ang mga hinirang na sanggol na namatay sa kanilang pagka-sanggol ay ipinanganganak na muli at inililigtas ni Cristo sa pamamagitan ng Espiritu. Ang Espiritu ay gumagawa saanman, kailanman at sa anumang paraang naisin Niya. Ang gayon ay totoo sa lahat ng hinirang na tao na hindi kayang matawag ng panlabas na pangangaral ng Salita ng Diyos.(14)

  1. Juan 3:8 (Bagaman ibinibigay ng Pagpapahayag ang talatang ito bilang katunayan, ito'y walang tahasang kinalaman sa talatang ito. Walang sinasabi ang Biblia ukol sa tanong na ito at mabuti pa sana kung ang Pagpapahayag ay wala ring sinabing anuman.)

4. Ang mga taong hindi hinirang ay maaaring matawag sa pamamagitan ng pangangaral ng Salita ng Diyos. Maaari rin silang makaranas ng karaniwang paggawa ng Banal na Espiritu.(15) Gayon ma'y hindi sila mabisang dinadala kay Cristo. Ni hindi sila lalapit sa Kanya, kung kaya't hindi sila maaaring maligtas.(16) Walang taong maliligtas maliban na siya ay magtiwala kay Cristo lamang. Anumang pagsisikap ang gawin nila upang mabuhay ayon sa kanilang sariling pagkaunawa at sa pagtuturo ng relihiyong kanilang pinaniniwalaan, hindi sila maliligtas.(17)

  1. Mat. 7:22; 13:20-21; 22:14, Heb. 6:4-5

  2. Juan 6:44-45, 64-66; 8:24; 1 Juan 2:24-25

  3. Gawa 4:12; Juan 4:22, 17:3

KABANATA 11.

ANG PAGKA-ARING GANAP

1. Ang mabisa at makapangyarihang mga tinatawag ng Diyos ay Kanya ring inaaring-ganap na walang bayad.(1) Hindi pa sila lubusang ginagawang matuwid nguni't ipinatatawad ang kanilang mga kasalanan, at ibinibilang at tinatanggap silang matuwid.(2) Hindi ito dahil sa anumang ginawa sa kanila, o ginawa nila, kundi alang-alang kay Cristo lamang.(3) Ang katuwiran na itinuring sa kanila ay hindi ang kanilang pananampalataya, ni hindi ang gawa ng pagsampalataya, ni anumang pagsunod sa Salita ng Diyos. Sila ay inaring-ganap ng lubusan dahil lamang sa katuwiran ni Cristo na ibinilang ng Diyos sa kanila. Ibinibilang sa kanila ang tumatalimang pagsunod ni Cristo sa buong kautusan ng Diyos at ang tumatanggap na pagsunod Niya sa Kanyang kamatayan. Yaong mga inaring-ganap ay silang tumatanggap at nananalig sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at sa Kanyang katuwiran. Ito ay hindi sa kanilang sarili, ito ay kaloob ng Diyos.(4)

  1. Rom. 3:24, 8:30

  2. Rom. 4:5-8; Ef. 1:7

  3. 1 Cor. 1:30-31; Rom. 5:17-19;

  4. Jer. 23:6; Gawa 13:38-39; Rom. 3:22-28; 2 Cor. 5:19-21; Ef. 2:8-10; Fil. 3:9; Tit. 3:5,7

2. Ang pananampalataya na tumatanggap at nananalig kay Cristo at sa Kanyang katuwiran ay ang tanging paraan ng pagka-aring ganap.(5) Gayon ma'y hindi ito mag-isa sa taong inaring-ganap, kundi laging kasama ang mabubuting gawa. Hindi ito patay na pananampalataya, sapagka't ito ay gumagawa ng may pag-ibig.(6)

  1. Rom. 1:17; 3:27-31; Gal. 3:5; Fil. 3:9

  2. Gal. 5:6; San. 2:17-26

3. Binayaran ni Cristo ng buo ang pagkakautang ng lahat ng mga inaring-ganap sa pamamagitan ng Kanyang pagsunod at kamatayan. Inihandog ni Cristo ang Kanyang sarili bilang hain sa krus. Ang parusang nararapat sa mga inaring-ganap ay tinanggap Niya sa halip nila. Kanyang lubos at ganap na binigyang kasiyahan ang lahat ng mga hinihingi ng katarungan ng Diyos sa kanila.(7) Gayon pa man, ang kanilang pagka-aring ganap ay sa pamamagitan ng walang bayad na biyaya lamang.

Unang-una, ipinagkaloob ng Ama si Cristo sa kanila.(8)

Pangalawa, tinanggap ng Diyos ang pagsunod ni Cristo at ang Kanyang pagbibigay-kasiyahan sa mga hinihingi ng kautusan para sa kanila.(9)

Pangatlo, walang anuman sa kanila ay marapat sa mga kaawaang ito.(10)

Kaya ang katarungan at biyaya ng Diyos ay kapwa naluluwalhati sa pagka-aring ganap ng makasalanan.(11)

  1. Isa. 53:4-6, 10-12; Rom. 5:8-10,19; 1 Tim. 2:5-6; Heb. 10:10,14

  2. Rom. 8:32

  3. Mat. 3:17; 2 Cor. 5:21; Ef. 5:2

  4. Rom. 3:24; Ef. 1:7

  5. Rom. 3:26; Ef. 2:7

4. Itinakda ng Diyos mula sa walang hanggang pasimula na ariing-ganap ang lahat ng mga hinirang.(12) Sa takdang panahon, si Cristo ay namatay dahil sa kanilang mga kasalanan at bumangon mula sa mga patay para sa kanilang ika-aaring-ganap.(13) Gayon pa man, hindi pa sila inaaring-ganap hanggang sa tamang panahon na bigyang-bisa ng Banal na Espiritu ang Persona at gawa ni Cristo sa kanila.(14)

  1. Rom. 8:30; Gal. 3:8; 1 Ped. 1:2, 19-20

  2. Rom. 4:25; Gal. 4:4; 1 Tim. 2:6

  3. Gal. 2:16; Ef. 2:1-3; Col. 1:21-22; Tit. 3:4-7

5. Patuloy na pinatatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng lahat ng mga inaring-ganap.(15) Hindi kailanman mawawala ang kanilang pagkaaring-ganap(16) subali't dahil sa kasalanan ay maaari silang mapasailalim ng disiplina ng Diyos bilang Ama.(17) Sa ganitong kalagayan, hindi karaniwang ibinabalik ng Diyos ang Kanyang kaluguran sa kanila hangga't hindi sila magpakumbaba sa kanilang sarili, magpahayag ng kanilang kasalanan, humingi ng patawad ng Diyos, at gisinging muli ang kanilang pananampalataya at pagsisisi.(18)

  1. Mat. 6:12; Juan 13:3-11; 1 Juan 1:7-2:2

  2. Lu. 22:32; Juan 10:28; Heb. 10:14

  3. Aw. 89:31-33; Heb. 12:6

  4. Aw. 32:5; 51:7-12; Lu. 1:20; Mat. 26:75

6. Kung papaano inaring-ganap ang mga mananampalataya nang panahon ng Bagong Tipan ay gayon din ang mga mananampalataya nang panahon ng Lumang Tipan.(19)

  1. Rom. 4:22-24; Gal. 3:9

KABANATA 12

ANG PAGKUKUPKOP

1. Ang lahat ng mga inaring-ganap ay minarapat ng Diyos, alang-alang sa Kanyang bugtong na Anak na si Jesu-Cristo, na tumanggap ng biyaya ng pagkukupkop.(1) Sa pamamagitan nito, sila ay ibinibilang, at nagtatamasa ng mga kalayaan at karapatan ng mga anak ng Diyos.(2) Tinatawag silang mga anak ng Diyos.(3) Tinatanggap nila ang espiritu ng pagkukupkop(4) at nakalalapit sila sa luklukan ng biyaya nang may pagtitiwala. Maaari silang tumawag ng "Abba, Ama!".(5) Sila ay kinahahabagan,(6) iniingatan,(7) pinagkakalooban ng mga pangangailangan,(8) at dinidisiplina Niya sila bilang isang Ama.(9) Gayon ma'y hindi sila kailanman itinataboy(10) kundi tinatakan hanggang sa araw ng Katubusan,(11) at minamana nila ang mga pangako bilang tagapagmana ng walang hanggang kaligtasan.(12)

  1. Ef. 1:5; Gal. 4:4-5; 1 Juan 3:1-3

  2. Juan 1:12; Rom. 8:17,29

  3. 2 Cor. 6:18; Apoc. 3:12

  4. Rom. 8:15

  5. Rom. 5:2; Gal. 4:6; Ef. 2:18; 3:12;

  6. Aw. 103:13

  7. Kaw. 14:26

  8. Mat. 6:30,32; 1 Ped. 5:7

  9. Heb. 12:6

  10. Isa. 54:8-9; Panag. 3:31

  11. Ef. 4:30

  12. Rom. 8:17; Heb. 1:14, 6:12; 9:15

KABANATA 13

ANG PAGIGING BANAL

1. Ang mga kalakip kay Cristo, na mabisa at makapangyarihang tinawag at ipinanganak na muli, ay may bagong puso at bagong espiritu na nilikha sa kanila.(1) Sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu na nananahan sa kanila,(2) ang gawain ng pagiging banal sa kanila ay nagpapatuloy.(3) Ang lahat ng mga pagpapalang ito ay sa kanila dahil sa mga kagalingan ng pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo.(4) Ang paghahari ng kasalanan sa kanila ay lubusang nawasak. Ang masasamang pita ay patuloy na pinahihina at pinapatay. Ang mga pagpapala ng kaligtasan ay patuloy na pinasisigla at pinatitibay sa mga mananampalataya. Ang paggawa ng tunay na kabanalan,(5) na kung wala ito ay walang sinumang makakakita sa Panginoon,(6) ay itinataguyod.

  1. Juan 3:3-8; Gawa 20:32; 26:18; Rom. 1:7; 15:16; 1 Cor. 1:2: 6:11; 2 Cor. 1:1; Ef. 1:1; Fil. 1:1; Col. 3:12; 1 Juan 2:29; 3:9-10

  2. Juan 17:17; Rom. 8:13; Ef. 5:26; 3:16-19

  3. Rom. 6:19,22; 1 Tes. 5:23

  4. Rom. 6:1-11;

  5. Rom. 6:13,14; 8:13; 2 Cor. 7:1; Gal. 5:17,24; Ef. 3:16-19; 4:22-25; Col. 1:11

  6. Heb. 12:14

2. Ang pagiging banal ay may epekto sa buong pagkatao subali't hindi pa ganap sa buhay na ito. Ang nananatiling kasamaan ng kasalanan ay patuloy na dumudungis sa buong pagkatao.(7) Kaya't mayroong nagpapatuloy na pakikipagbaka sa loob nila na hindi maaaring pagkasunduin.(8) Ang dahilan ay ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman.(9)

  1. Rom. 7:18,23; Fil. 3:12; 1 Tes. 5:23; 1 Juan 1:8,10

  2. 1 Cor. 9:24-27; 1 Tim. 1:18; 6:12; 2 Tim. 4:7

  3. Gal. 5:17; 1 Ped. 2:11

3. Sa pakikipagbaka ng laman sa Espiritu, ang nananatiling kasamaan ng kasalanan ay maaaring pansamantalang magtagumpay.(10) Datapuwa't ang patuloy na pagpapalakas ng nagpapabanal na Espiritu ni Cristo ay nagbibigay ng tagumpay sa isang bagong nilalang.(11) At sa gayon, ang mga banal ay lumalago sa biyaya, na pinasasakdal ang kabanalan sa takot sa Diyos. Hinahanap nila ang makalangit na buhay, na may kusang pagsunod sa lahat ng mga utos sa Kanyang Salita na ibinigay sa kanila ni Cristo na Pangulo at Hari.(12)

  1. Rom. 7:23

  2. Rom. 6:14; Ef. 4:15-16; 1 Juan 5:4

  3. Mat. 28:20; 2 Cor. 3:18, 7:1; 2 Ped. 3:18

KABANATA 14

ANG NAKALILIGTAS NA PANANAMPALATAYA

1. Ang biyaya ng pananampalataya ay gawa ng Espiritu sa puso ng mga hinirang. Sa pamamagitan nito, sila ay maaaring manampalataya sa ikaliligtas ng kanilang kaluluwa.(1) Ito ay karaniwang nangyayari sa pamamagitan ng pangangaral ng Salita ng Diyos.(2) Gayon din, sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbabautismo at pagdiriwang ng Banal na Hapunan, sa panalangin at sa iba pang paraang itinalaga ng Diyos, napalalago at napagtitibay ang pananampalataya.(3)

  1. Juan 6:37,44; Gawa 11:21,24; 13:48; 14:27; 15:9; 2 Cor. 4:13; Ef. 2:8; Fil. 1:29; 2 Tes. 2:13; 1 Ped. 1:2

  2. Rom. 10:14-17

  3. Lu. 17:5; Gawa 20:32; Rom. 4:11; 1 Ped. 2:2

2. Sa pamamagitan ng pananampalatayang ito, pinaniniwalaan ng isang Cristiano na totoo ang anumang inihayag sa Salita ng Diyos sapagka't ito ay nagtataglay ng kapangyarihan ng Diyos mismo. Nakikita rin niya sa Salita ang higit na kahusayan nito kaysa sa lahat ng ibang kasulatan at sa anumang mga bagay na nasa sanlibutan. Ipinakikita ng Salita ang kaluwalhatian ng Diyos sa Kanyang mga katangian, ang kagalingan ni Cristo sa Kanyang kalikasan at katungkulan, at ang kapangyarihan at kapuspusan ng Banal na Espiritu sa Kanyang mga gawain. Sa ganitong paraan, naipagkakatiwala ng Cristiano ang kanyang sarili sa katotohanang kanyang pinaniniwalaan.(4) Naglilingkod siya ayon sa mga hinihingi ng iba't ibang bahagi ng Banal na Kasulatan. Nagpapasakop at sumusunod siya sa mga utos.(5) Nanginginig siya sa mga babalang naririnig niya.(6) Tinatanggap niya nang lubos ang mga banal na pangako ukol sa buhay na ito at sa darating pa.(7) Datapuwa't ang pinakauna at pinakamahalagang gawain ng nakaliligtas na pananampalataya ay yaong may kinalaman kay Cristo, habang ang mananampalataya ay tumatanggap at nananalig sa Kanya lamang para sa pagkaaring-ganap, pagiging banal, at buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay dahil sa bisa ng tipan ng biyaya.(8)

  1. Aw. 19:7-10; 119:72; Gawa 24:14; 1 Tes. 2:13;

  2. Juan 15:14; Rom. 16:26

  3. Isa. 66:2

  4. 1 Tim. 4:8; Heb. 11:13

  5. Juan 1:12; Gawa 15:11; 16:31; Gal. 2:20

3. Ang pananampalatayang ito, bagama't may iba't ibang antas, ay maaaring maging mahina o malakas.(9) Gayon man, tulad ng ibang uri ng pagpapala na may kaligtasan, kahit sa kanyang kahinaan, iba pa rin ito sa kalikasan ng paniniwala at pangkalahatang biyaya ng may pansamantalang pananampalataya.(10) Dahil dito, kahit na ito ay malimit na tinutuligsa at pinahihina, magtatagumpay pa rin ito.(11) Sa maraming Cristiano, lumalago ito hanggang sa maabot nito ang lubos na katiyakan sa pamamagitan ni Cristo.(12) Siya ang gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya.(13)

  1. Mat. 6:30; 8:10,26; 14:31; 16:8; 17:20; Rom. 4:19-20; Heb. 5:13-14

  2. San. 2:14; 2 Ped. 1:1; 1 Juan 5:4

  3. Lu. 22:31-32; Ef. 6:16; 1 Juan 5:4-5

  4. Aw. 119:114; Heb. 6:11-12; 10:22-23; Col. 2:2

  5. Heb. 12:2

KABANATA 15.

ANG PAGSISISI TUNGO SA BUHAY AT KALIGTASAN

1. Ang ilan sa mga hinirang ay naligtas nang sila ay matanda na. Maraming taon silang nabuhay ayon sa kanilang likas na kalagayan.(1) Sa ganitong kalagayan, sinunod nila ang kanilang masasamang pita at kalayawan. Nang sila ay mabisa at makapangyarihang tinawag ng Diyos, binigyan Niya sila ng pagsisisi tungo sa buhay na walang hanggan.(2)

  1. Tit. 3:2-5

  2. 2 Cron. 33:10-20; Gawa 9:1-19; 16:29-30

2. Walang matuwid sa lupa na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.(3) Ang pinakamabuti sa mga tao ay maaaring mahulog sa napakasamang kasalanan na ikinapopoot ng Diyos. Ito ay dahil sa kapangyarihan at karayaan ng kanilang nananatiling kasamaan at kapangyarihan ng tukso.(4) Ayon sa tipan ng biyaya, ipinagkaloob ng mahabaging Diyos na manumbalik sa pamamagitan ng pagsisisi sa ikaliligtas ang mananampalataya na nahulog sa kasalanan.(5)

  1. Aw. 130:3; 143:2; Kaw. 20:9; Ec. 7:20

  2. 2 Sam. 11:1-27; Lu. 22:54-62

  3. Jer. 32:40; Lu. 22:31-32; 1 Juan 1:9

3. Ang nakapagliligtas na pagsisisi ay kaloob ng Diyos.(6) Sa pamamagitan nito, ipinararamdam ng Banal na Espiritu sa tao ang iba't ibang kasamaan ng kanyang kasalanan.(7) Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo,(8) pinagpapakumbaba niya ang kanyang sarili dahil sa kasalanan. Ang pagpapakumbabang ito ay ipinakikita sa pamamagitan ng kalumbayan mula sa Diyos, kapootan sa kasalanan at pagkasuklam sa sarili. Kasama nito ang panalangin para sa kapatawaran ng kasalanan at kalakasan na nagmumula sa biyaya ng Diyos.(9) Siya ay may layunin at pagsisikap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na mamuhay nang lubos na nakalulugod sa Diyos sa lahat ng bagay.(10)

  1. Gawa 5:31; 11:18; 2 Tim. 2:25

  2. Aw. 51:1-6; 130:1-3; Lu. 15:17-20; Gawa 2:37-38

  3. Aw. 130:4; Mat. 27:3-5; Mar. 1:15

  4. Ez. 16:60-63; 36:31-32; Zac. 12:10; Mat. 21:29; Gawa 15:19; 20:21; 26:20; 2 Cor. 7:10-11; 1 Tes. 1:9

  5. Aw. 119:59,104,128; Kaw. 28:13; Ez. 18:30-31; 36:25; Mat. 3:8; Lu. 3:8; Gawa 26:20; 1 Tes. 1:9

4. Ang pagsisisi ay dapat na nagpapatuloy sa buong buhay dahil sa ating katawang may kamatayan na may hilig sa pagkakasala.(11) Kaya tungkulin ng bawa't tao na magsisi sa bawa't kasalanang nalalaman niya.(12)

  1. Ez. 16:60; Mat. 5:4; 1 Juan 1:9

  2. Lu. 19:8; Rom. 6:12; 1 Tim. 1:13-15

5. Sa tipan ng biyaya, ipinagkakaloob ng Diyos ang pag-iingat ng mga mananampalataya sa kanilang kalagayan ng kaligtasan. Kahit na ang pinakamaliit na kasalanan ay dapat hatulan.(13) Walang paghatol sa taong nagsisisi gaano man kalaki ang kanyang kasalanan. Kaya nga ang palagiang pangangaral ng pagsisisi ay lubhang kinakailangan.(14)

  1. Aw. 130:3; 143:2; Rom. 6:23

  2. Isa. 1:16-18; 55:7; Gawa 2:36-38

KABANATA 16.

MABUBUTING GAWA

1. Ang mabubuting gawa ay yaon lamang mga gawaing iniuutos ng Diyos sa Kanyang Banal na Salita.(1) Ang mga gawaing kinatha ng tao mula sa bulag na pagsisikap o sa pagpapanggap lamang ng mabuting layon ay hindi mabuti, sapagka't walang pahintulot ang mga ito ng Banal na Kasulatan.(2)

  1. Mik. 6:8; Rom. 12:2; Col. 2:3; 2 Tim. 3:16-17; Heb. 13:21

  2. 1 Sam. 15:21-23; Mat. 15:9 at Isa. 29:13; Juan 16:2; Rom. 10:2; 1 Cor. 7:23; Gal. 5:1; Col. 2:8,16-23; 1 Ped. 1:18

2. Ang mga tunay na mabubuting gawa na ginanap sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay ang mga bunga at katibayan ng isang tunay at buhay na pananampalataya.(3) Sa pamamagitan nito inihahayag ng mga mananampalataya ang kanilang pasasalamat,(4) pinalalakas ang katiyakan ng kaligtasan,(5) pinatitibay ang mga kapatiran,(6) pinabubuti ang kanilang patotoo(7) at pinatatahimik ang mga laban sa Salita ng Diyos.(8) Samakatuwid, niluluwalhati nila ang Diyos na gumawa sa kanila na maging bagong nilalang kay Cristo.(9) Dahil dito, sila ay namumunga ng mabubuting gawa sa ikababanal tungo sa buhay na walang hanggan.(10)

  1. Gal. 5:6; 1 Tim. 1:5; San. 2:18-22

  2. Aw. 116:12-14; Lu. 7:36-50 at Mat. 26:1-11; 1 Ped. 2:9

  3. 2 Ped. 1:5-11; 1 Juan 2:3-5; 3:18-19

  4. Mat. 5:16; 2 Cor. 9:2

  5. Mat. 5:16; 1 Tim. 6:1; Tit. 2:5,9-12 1 Ped. 2:12

  6. 1 Tim. 6:1; Tit. 2:5; 1 Ped. 2:12;

  7. Mat. 5:16; Ef. 2:10; Fil. 1:1l; 1 Tim. 6:1; 1 Ped. 2:12;

  8. Mat. 7:13-14,21-23; Rom. 6:22

3. Ang kakayahan ng mga mananampalataya na gumawa ng mabuti ay hindi sa kanilang sarili kundi tanging sa Espiritu ni Cristo lamang. Bukod sa mga kaloob ng biyaya na tinanggap nila sa pasimula, kailangan pa nila ang tunay na kapangyarihan upang mabigyan sila ng pagnanais at kakayahang makaganap ng mga gawang ayon sa Kanyang mabuting kalooban.(11) Datapuwa't, hindi ito nangangahulugan na kung wala ang tanging kapangyarihang iyan ay malaya na nilang ipagwalang-bahala ang kanilang tungkulin, sapagka't dapat silang maging masipag sa pagpapasigla ng biyaya ng Diyos na nasa kanila.(12)

  1. Ez. 36:26-27; Juan 15:4-6; 2 Cor. 3:5; Ef. 2:10; Fil. 2:12-13

  2. Juan 3:8; Rom. 8:14; Fil. 2:12-13; 2 Tim. 1:6; Heb. 6:11,12; 2 Ped. 1:10; Jud .20-21

4. Gaano man kataas ang maabot ng mananampalataya sa kanyang pagsunod sa Diyos sa buhay na ito ay hindi pa rin ito labis na pagtupad sa tungkulin kundi ito'y kulang na kulang pa sa kanilang nararapat na gawin.(13)

  1. 1 Hari 8:46; 2 Cron. 6:36; Job 9:2-3; Aw. 130:3; 143:2: Kaw. 20:9; Ec. 7:20; Lu. 17:10; Rom. 3:9,23; 7:14-15; Gal. 5:17; 1 Juan 1:6-10

5. Hindi tayo marapat sa kapatawaran ng kasalanan o buhay na walang hanggan mula sa kamay ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga pinakamabuting gawa sapagka't ang mga gawang yaon ay hindi sapat sa kaluwalhatiang darating.(14) Bukod pa roon, mayroong walang hanggang agwat sa pagitan natin at ng Diyos. Wala tayong mga gawa na nakapagbibigay sa Kanya ng kapakinabangan o kabayaran sa pagkakautang ng ating mga dating kasalanan. Tunay nga na kapag nagawa na natin ang lahat ng ating magagawa ay atin lamang ginawa ang ating tungkulin at nananatili pa rin tayong mga walang kabuluhang alipin.(15) Ang ating mabubuting gawa ay mabuti lamang dahil sa galing sila sa Banal na Espiritu.(16) Gayon pa man, dahil sa ito'y gawa natin, ito ay narurumihan at nahahaluan ng labis na kahinaan at kamalian na hindi nito matagalan ang kabigatan ng paghatol ng Diyos.(17)

  1. Rom. 8:18

  2. Job 22:3; Lu. 17:10; Rom. 4:3; 11:13;

  3. Gal. 5:22-23

  4. 1 Hari 8:46; 2 Cron. 6:36; Aw. 130:3; 143:2; Kaw. 20:9; Ec. 7:20; Isa. 64:6; Rom. 3:9,23; 7:14-15; Gal. 5:17; 1 Juan 1:6-10

6. Gayon pa man, kung paanong tinatanggap ng Diyos kay Cristo ang mga mananampalataya, gayon din tinatanggap ang kanilang mga gawa kay Cristo.(18) Ang mga mananampalataya sa buhay na ito ay hindi pa sakdal at lubos na walang sala.(19) Datapuwa't sa pagkakita Niya sa kanila sa Kanyang Anak ay kinalulugdan silang tanggapin at gantimpalaan ang kanilang gawang matapat, kahit na ito ay maraming kahinaan at kamalian.(20)

  1. Ex. 28:38; Ef. 1:6-7; 1 Ped. 2:5

  2. 1 Hari 8:46; 2 Cron. 6:36; Aw. 130:3; 143:2; Kaw. 20:9; Ec. 7:20; Rom. 3:9,23; 7:14-15; Gal. 5:17; 1 Juan 1:6-10

  3. Mat. 25:21-23; Heb. 6:10

7. Ang mga ginawa ng mga di-ipinanganak na muli ay nananatili pa ring gawang makasalanan, kahit na ang mga ito ay iniutos ng Diyos at kapaki-pakinabang sa kanilang sarili at sa mga iba.(21) Ito ay dahil sa ang mga ito ay hindi nanggaling sa pusong nilinis ng pananampalataya.(22) Hindi sila ginawa sa tamang paraang ayon sa Salita ng Diyos.(23) Hindi sila ginawa sa layuning luwalhatiin ang Diyos.(24) Kaya hindi sila makapagbibigay lugod sa Diyos, ni hindi sila maaaring maging marapat na tumanggap ng biyaya.(25) Gayon pa man, ang pagpapabaya sa mga ito ay higit na makasalanan at di-makapagbibigay lugod sa Diyos kaysa sa pagganap ng mga yaon.(26)

  1. 1 Hari 21:27-29; 2 Hari 10:30-31; Rom. 2:14; Fil. 1:15-18

  2. Gen. 4:5 at Heb. 11:4-6; Rom. 14:23; Gal. 5:6; 1 Tim. 1:5

  3. Isa. 1:12; 1 Cor. 13:3

  4. Mat. 6:2-6; 1 Cor. 10:31;

  5. Amos 5:21-22; Rom. 9:16; Tit. 1:15; 3:5

  6. 1 Hari 21:27-29; 2 Hari 10:30-31; Aw. 14:4; 36:3

KABANATA 17.

ANG PANANATILI NG MGA BANAL

1. Ang mga banal ay yaong tinanggap ng Diyos kay Cristo. Sila ay mabisa at makapangyarihang tinawag at pinapagbanal sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ibinibigay Niya sa kanila ang mahalagang pananampalataya na nauukol sa lahat ng Kanyang hinirang. Hindi sila maaaring lubusan o sa wakas ay mahulog mula sa kalagayan ng biyaya. Sila ay tiyak na mananatili sa biyaya hanggang sa katapusan at maliligtas magpakailanman. Ang Diyos ay hindi kailanman nagsisisi sa pagkatawag sa kanila at pagbibigay ng kaloob sa kanila. Dahil dito, Siya ay patuloy na nagbibigay at nagpapalago sa kanilang pananampalataya, pagsisisi, pag-ibig, kagalakan, pag-asa at lahat ng biyaya ng Espiritu tungo sa kawalang kamatayan.(1) Bagama't dumating ang maraming bagyo at baha sa kanilang buhay, gayon ma'y hindi sila maaalis sa saligan at bato na matatag na kinatatayuan nila sa pananampalataya. Dahil sa kawalan ng pananampalataya at mga pagtukso ni Satanas ay pansamantalang hindi sila makakita ng liwanag at kaaliwan at pag-ibig ng Diyos,(2) sa kabila niyan ang di-nagbabagong Diyos ay nananatili pa ring kanilang Diyos. Tiyak na iingatan Niya sila at ililigtas sila sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan hanggang matamasa nila ang mana sa palad ng kamay ng Diyos at ang kanilang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay mula sa walang hanggan.(3)

  1. Juan 10:28-29; Fil. 1:6; 2 Tim. 2:19; 2 Ped. 1:5-10; 1 Juan 2:19

  2. Aw. 89:31-32; 1 Cor. 11:32; 2 Tim. 4:7

  3. Aw. 102:27; Mal. 3:6; Ef. 1:14; 1 Ped. 1:5; Apoc. 13:8

2. Ang pananatiling ito ng mga banal ay nakasalalay sa mga sumusunod:

(a) sa di-nagbabagong pagtatakda ng paghirang(4) na nagmumula sa walang bayad at di-nagbabagong pag-ibig ng Diyos Ama;

(b) ang makapangyarihang kagalingan at pamamagitan ni Jesu-Cristo at ang pakikiisa sa Kanya(5);

(c) ang pangako ng Diyos(6);

(d) ang pananahan ng Espiritu sa mga banal;

(e) ang binhi ng Diyos na nasa kanila(7); at

(f) ang katangian ng tipan ng biyaya.(8)

Ang lahat ng mga ito ay nagpapatibay sa katiyakan at di-nagmamaliw na pananatili ng mga banal.(9)

  1. Mat. 24:22,24,31; Rom. 8:30; 9:11-16; 11:2,29; Ef. 1:4-11

  2. Juan 10:28-29; 14:19; Rom. 5:9-10; 8:31-38; 1 Cor. 1:8-9; 2 Cor. 5:14; Heb. 7:25

  3. Heb. 6:17-20

  4. 2 Cor. 1:22; 5:5; Ef. 1:13-14; 4:30; 1 Juan 2:19-20,27; 3:9; 5:4,18

  5. Jer. 31:33-34; 32:40; Heb. 10:11-18; 13:20-21

  6. Juan 6:37,44; Rom. 9:16; Fil. 2:12-13

3. Maaaring mahulog ang mga banal sa mga kakila-kilabot na kasalanan at pansamantalang magpatuloy sa mga ito. Ito ay dahil sa mga tukso ni Satanas at ng sanlibutan, ang pagtatagumpay ng nananatiling kasalanan sa kanila, at ang pagpapabaya sa mga paraan ng kanilang pag-iingat.(10) Sa ganito hindi nalulugod ang Diyos sa kanila; pinipighati nila ang Kanyang Banal na Espiritu;(11) pinipinsala ang kanilang biyaya at binabawasan ang kanilang kaaliwan.(12) Nararanasan din nila ang katigasan ng kanilang puso, pagsumbat sa budhi,(13) nananakit at nagbibigay-tisod sa kapuwa,(14) at dinadala ng mga ito ang disiplina ng Diyos sa kanilang sarili.(15) Datapuwa't dahil sa sila'y mga banal, muling manunumbalik ang kanilang pagsisisi at maiingatan sila sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus hanggang sa katapusan.(16)

  1. Mat. 26:70-74

  2. Aw. 38:1-8; Isa. 54:5-9; Ef. 4:30; 1 Tes. 5:14

  3. Aw. 51:10-12

  4. Aw. 32:3-4; 73:21-22

  5. 2 Sam. 12:14; Rom. 14:13-18; 1 Cor. 8:9-13; 1 Tim. 6:1-2; Tit. 2:5

  6. Gen. 19:30-38; 2 Sam. 12:14-15; 1 Cor. 11:27-32; Heb. 12:5-13

  7. Lu. 22:32, 61-62; 1 Cor. 11:32; 1 Juan 3:9; 5:18

KABANATA 18

ANG KATIYAKAN NG BIYAYA NG KALIGTASAN

1. Maaaring dayain ng mga may pansamantalang pananampalataya at mga ibang di-ipinanganak na muli ang kanilang sarili ng maling pag-asa. Maaari rin silang magkaroon ng maka-lamang pag-aakala na sila ay nasa kagandahang-loob ng Diyos at kalagayan ng kaligtasan. Ang ganyang pag-asa nila ay mawawala.(1) Subali't ang lahat ng tunay na nananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo at matapat na umiibig sa Kanya, na nagsisikap na mamuhay ng may malinis na budhi sa harap Niya, ay maaaring makatiyak sa buhay na ito na sila ay nasa kalagayan ng biyaya. Sila ay maaaring magalak sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. Dahil sa pag-asang ito, sila ay hindi mapapahiya kailanman.(2)

  1. Job 8:13-14; Jer. 17:9; Mat. 7:21-23; Lu. 18:10-14; Juan 8:41; Gal. 6:3,7-9; Ef. 5:6-7

  2. . Rom. 5:2-5; 8:16; 2 Ped. 1:10; 1 Juan 2:3, 3:14-24, 5:13

2. Ang katiyakang ito ay hindi pala-palagay lamang at pag-aakalang batay sa maling pag-asa, subali't ito ay isang walang kamaliang katiyakan ng pananampalataya(3) salig sa dugo at katuwiran ni Cristo na nahayag sa ebanghelyo.(4) Nasasalig din ito sa panloob na katunayan ng mga pagbabagong isinagawa ng Banal na Espiritu, ayon sa mga pangako ng Diyos.(5) Gayon din, ito ay nasasalig sa patotoo ng Espiritu ng pagkukupkop na nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo ay mga anak ng Diyos.(6) Nagbubunga ang ganitong patotoo ng pag-iingat ng puso sa pagiging mapagpakumbaba at banal.(7)

  1. Rom. 5:2,5; Heb. 6:11,19-20; 1 Juan 3:2,14; 4:16; 5:13,19-20

  2. Heb. 6:17-18; 7:22; 10:14,19

  3. Mat. 3:7-10; Mar. 1:15; 2 Ped. 1:4-11; 1 Juan 2:3; 3:14,18-19,24; 5:13

  4. Rom. 8:15-16; 1 Cor. 2:12; Gal. 4:6-7

  5. 1 Juan 3:1-3

3. Ang walang kamaliang katiyakan ng kaligtasan ay hindi isang lubhang kailangang bahagi ng pananampalataya. Maaaring maghintay ng matagal ang tunay na mananampalataya at makipaglaban sa maraming pagsubok bago niya makamtan ang katiyakang ito.(8) Maaari niyang makamtan ang katiyakang ito sa pamamagitan ng tamang paggamit ng mga paraan ng biyaya(9) kahit walang tanging pagpapahayag. Tinutulungan siya ng Espiritu na malaman ang bagay na tinatanggap na walang bayad ng mga mananampalataya ng Diyos.

Samakatuwid, tungkulin ng bawa't isa na pagsikapan na maging panatag siya sa kanyang pagkatawag at pagkahirang. Sa paggawa niya nito, nararanasan niya ang higit na kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu, higit na pagmamahal at pagpapasalamat sa Diyos, at sa kalakasan at kaligayahan sa tungkulin ng pagsunod. Ang mga bagay na ito ay likas na bunga ng katiyakan ng kaligtasan. Ang katiyakang ito ay hindi nag-aakay sa mga tao na magkasala.(10)

  1. Gawa 16:30-34; 1 Juan 5:13

  2. Rom. 8:15-16; 1 Cor. 2:12; Gal. 4:4-6 at 3:2; Ef. 3:17-19; Heb. 6:11-12; 2 Ped. 1:5-11; 1 Juan 4:13

  3. Neh. 8:10; Aw. 119:32; Rom. 6:1-2,11-13; 14:17; 15:13; Tit. 2:11-14; 2 Ped. 1:10; 1 Juan 4:19

4. Maaaring manghina o mawala ang katiyakan ng kaligtasan ng mga tunay na mananampalataya. Marahil ito ay dahil sa mga sumusunod:

a) kapabayaan sa pag-iingat nito;(11)

b) pagkahulog sa isang kasalanan na sumusugat sa kanilang budhi at pumipighati sa Espiritu;(12)

c) isang biglaan at mahigpit na pagsubok;(13)

d) pagkubli ng Diyos sa Kanyang mukha at kahit na ang mga natatakot sa Kanya ay tila wala sa kanila ang presensiya ng Diyos.(14)

Subali't, anuman ang mangyayari, may ilang mga bagay na tiyak na mananatili sa kanya: ang bagong kalikasan na mula sa Diyos,(15) ang buhay ng pananampalataya,(16) ang pag-ibig kay Cristo at sa mga kapwa mananampalataya, katapatan ng puso at kaalaman ng kanilang tungkulin. Dahil dito at sa pamamagitan ng gawa ng Banal na Espiritu sa kanila, ang katiyakan ng kaligtasan ay maaaring manumbalik sa takdang panahon.(17) Samantala, sa pamamagitan ng mga ito sila ay iniingatan mula sa kawalang pag-asa.(18)

  1. A. ng A. 5:2-6; Aw. 51:8-14; Heb. 6:11-12; 2 Ped. 1:5-11

  2. Aw. 31:22, 51:8;

  3. Aw. 30:7; 31:22; 77:7-8; 116:11

  4. Isa. 50:10

  5. Rom. 8:15-16; 1 Juan 3:9

  6. Lu. 22:32

  7. Aw. 42:5-11

  8. Panag. 3:26-31

KABANATA 19

ANG KAUTUSAN NG DIYOS

1. Ibinigay ng Diyos kay Adan ang kautusan na nasusulat sa kanyang puso,(1) na humihingi ng kanyang lubos na pagsunod. Binigyan din siya ng isang tanging utos na huwag siyang kumain ng bunga sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama.(2) Kaya si Adan at ang lahat ng kanyang lahi ay dapat lubos na sumunod palagi. Ipinangako ng Diyos ang buhay sa pagtupad at ibinabala ang kamatayan sa pagsuway sa kautusan. Ibinigay Niya kay Adan ang kapangyarihan at kakayahan na tuparin ang Kanyang kautusan.(3)

  1. Gen. 1:27; Ec. 7:29; Rom. 2:12a,14-15

  2. Gen. 2:16-17

  3. Gen. 2:16-17; Rom. 10:5; Gal. 3:10-12

2. Ang gayon ding kautusan na nasulat sa puso ng tao ay nagpatuloy na maging ganap na tuntunin ng katuwiran pagkahulog ni Adan sa kasalanan.(4) Ibinigay ito ng Diyos sa Bundok ng Sinai(5) sa sampung utos na nakasulat sa dalawang bato. Ang unang apat na utos ay ukol sa ating tungkulin sa Diyos, at ang nalalabing anim ay tungkulin sa tao.(6)

  1. Para sa ika-apat na utos, Gen. 2:3; 7:4; 8:10,12; Ex. 16; para sa ika-limang utos, Gen. 37:10; para sa ika-anim na utos, Gen. 4:3-15; para sa ika-pitong utos, Gen. 12:17; para sa ika-walong utos, Gen. 31:30; 44:8; para sa ika-siyam na utos, Gen. 27:12; para sa ika-sampung utos, Gen. 6:2; 13:10-11

  2. Rom. 2:12a,14-15

  3. Ex. 32:15-16; 34:4,28; Deut. 10:4

3. Ang sampung utos ay tinatawag na kautusang morál. Bukod dito, ibinigay rin ng Diyos sa bayang Israel ang mga utos ukol sa mga seremonya na naglalarawan ng mga bagay na darating. Ang mga seremonyang ito ay may kaugnayan sa pagsamba na naglalarawan kay Cristo, ang kanyang mga katangian, buhay, pagdurusa, at mga pagpapala sa atin.(7) Ang mga seremonyang ito ay nagbibigay rin ng tagubilin tungkol sa iba't ibang asal.(8) Itinalaga ang mga kautusan ukol sa seremonya hanggang sa panahon lamang ni Cristo. Nang dumating si Jesu-Cristo na tunay na Mesiyas at tanging tagapagbigay-batas, binigyan Siya ng kapangyarihan ng Ama na pawalang-bisa at alisin ang mga ito.(9)

  1. Col. 2:16-17; Heb. 10:1

  2. 1 Cor. 5:7; 2 Cor. 6:17; Jud. 23

  3. Col. 2:14-17; Ef. 2:14-16

4. Ibinigay ng Diyos sa bayan ng Israel ang mga kautusang pangmamamayan. Ang mga ito ay nagwakas nang nawala ang pagkabansa ng Israel. Wala na itong bisa sa kaninuman dahil sa kanilang pagiging bahagi ng mga kautusan ng bayang yaon.(10) Ang panuntunan ng katarungan na nasa loob nito ay nananatili pa sapagka't ang mga ito ay hindi nagbabago.(11)

  1. Lu. 21:20-24; Gawa 6:13-14; Heb. 9:18-19 at 8:7,13; 9:10; 10:1

  2. 1 Cor. 5:1; 9:8-10

5. Nasasaklaw ng kautusang morál magpakailanman ang pagsunod ng lahat ng tao, inaring ganap man o hindi.(12) Sinasaklaw rin ang ukol sa nilalaman ng kautusan at gayon din ang kapamahalaan ng Diyos na Manlilikha na nagbigay nito.(13) Hindi pinawalang-bisa ni Cristo ang kautusan sa ebanghelyo, kundi pinatibay pa Niya ang tungkulin sa pagsunod dito.(14)

  1. Mat. 19:16-22; Rom. 2:14-15; 3:19-20; 6:14; 7:6; 8:3; 13:8-10; 1 Cor. 7:19 at Gal. 5:6; 6:15; Ef. 4:25-6:4; 1 Tim. 1:8-11; San. 2:8-12

  2. San. 2:10-11

  3. Mat. 5:17-19; Rom. 3:31; 1 Cor. 9:21; San. 2:8

6. Ang mga tunay na mananampalataya ay hindi nasasakop ng kautusan bilang tipan ng mga gawa na dito sila ay inaaring-ganap o hinahatulan.(15) Gayon man sa ibang mga paraan ito ay makabuluhan sa kanila at gayon din sa mga iba. Bilang tuntunin ng buhay, ito ay nagtuturo sa kanila ng kalooban ng Diyos at ng kanilang tungkulin. Tinuturuan at inaatasan sila na sumunod dito.(16) Ipinahahayag din nito sa kanila ang makasalanang karumihan ng kanilang mga likas, mga puso at mga buhay, kaya't habang sinisiyasat nila ang kanilang sarili sa liwanag ng kautusan, sila ay higit na nasusumbatan sa kanilang kasalanan, lalong nagpapakumbaba at higit na kinapopootan ang kasalanan. Binibigyan din sila ng kautusan ng higit na maliwanag na pagkakita ng kanilang pangangailangan kay Cristo at ng kasakdalan ng sariling pagsunod ni Cristo sa kautusan.(17) Dahil sa pagbabawal ng kautusan sa kasalanan, ito ay nakatutulong sa mga tunay na mananampalataya na pigilin ang masamang hilig sa kasalanan. Ang mga babala ng kautusan ay mahalaga sa pagpapakita sa mga mananampalataya kung ano ang nararapat sa kanilang mga kasalanan, at kung anong pagdurusa ang maaaring idulot sa kanila sa buhay na ito sa kanilang pagsuway, kahit sila ay ligtas sa sumpa at di-nagbabagong kahigpitan ng kautusan.(18) Ang mga pangakong kaugnay ng kautusan ay nagpapakita rin sa mga mananampalataya ng pagsang-ayon sa Diyos sa pagsunod. Ipinakikita rin nito ang mga pagpapala na nagmumula sa pagtupad ng kautusan.(19) Datapuwa't ang mga pagpapalang ito ay hindi dumarating sa kanila dahil natupad nila ang kautusan bilang tipan ng mga gawa.(20) Hinihimok ng kautusan ang tao na gumawa ng mabuti at umiwas sa masama, subali't kapag ginawa ito ng tao, hindi nangangahulugan na ang tao ay nasa ilalim ng kautusan at hindi nasa ilalim ng biyaya.(21)

  1. Gawa. 13:39; Rom. 6:14; 8:1; 10:4; Gal. 2:16; 4:4,5

  2. Aw. 119:4-6; Rom. 7:12,22,25; 1 Cor. 7:19

  3. Rom. 3:20, 7:7,9,14,24; 8:3; San. 1:23-25

  4. Aw. 119:101,104,128; San. 2:11

  5. Aw. 19:11; 37:11; Mat. 5:6; Ef. 6:2-3

  6. Lu. 17:10

  7. Buong Aklat ng Kawikaan; Mat. 3:7; Lu. 13:3,5; Gawa 2:40; Heb. 11:26; 1 Ped. 3:8-13

7. Ang mga naunang binanggit na paggamit ng kautusan ng Diyos ay hindi salungat sa biyaya ng ebanghelyo kundi tunay na kasang-ayon nito. Pinasusuko at binibigyang kakayahan ng Espiritu ni Cristo ang kalooban ng tao na gumawa ng kusa at may kagalakan ng kalooban ng Diyos na nahahayag sa kautusan at hinihinging dapat tupdin.(22)

  1. Jer. 31:33 Ez. 36:27; Rom. 8:4; Gal. 3:21; Tit. 2:14

KABANATA 20.
ANG EBANGHELYO AT ANG ABOT NG BIYAYANG ITO

TALAAN NG MGA NILALAMAN


Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689 is published by:

Wisdom Publications
P.O. Box 1233
Quezon City, Philippines

These WWW pages of Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689 copyright © 1997 by Wisdom Publications, P.O. Box 1233, Quezon City, Philippines, and are placed on the WWW with permission. They may be freely copied and used, but not for profit. For any other commercial use, contact Wisdom Publications for permission.


Electronic text provided by Pastor Brian Ellis, Cubao Reformed Baptist Church, Quezon City, Philippines. HTML by Pastor Brian Ellis & Webservant, Bill Newcomer. August, A.D. 1997.