Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689

A Pilipino (Tagalog) Translation of The 1689 Baptist Confession Of Faith

Page 3


KABANATA 20

ANG EBANGHELYO AT ANG ABOT NG BIYAYANG ITO

1. Ang mga tipan ng mga gawa ay nilabag ng kasalanan ng mga tao at hindi nakapagbigay-buhay. Ikinalugod ng Diyos na ipangako si Cristo na binhi ng babae at sa pamamagitan Niya ay tatawagin ang mga hinirang at bubuhayin ang pananampalataya at pagsisisi sa kanilang puso. Sa pangakong ito ang pinakadiwa ng ebanghelyo ay nahayag bilang mabisang paraan sa panunumbalik at pagliligtas ng mga makasalanan. (1)

  1. Gen. 3:15 at Ef. 2:12; Lu. 2:25,38; 23:51; Rom. 4:13-16; Gal. 3:15-22; 4:4; Heb. 11:13; Apoc. 13:8

2. Ang pangako ni Cristo at kaligtasan sa pamamagitan Niya ay nahayag sa mga tao sa pamamagitan ng Salita ng Diyos lamang.(2) Hindi ang mga gawa ng paglikha at probidensiya sa liwanag ng kalikasan, ni sa pangkalawakan o malabong paraan man(3) ang naghahayag kay Cristo at sa Kanyang biyaya sa mga tao. Ang mga taong walang pagpapahayag ni Cristo sa pamamagitan ng pangako ay lalong hindi maaari, sa kanilang sariling paraan, na magkaroon ng nakaliligtas na pananampalataya o pagsisisi.(4)

  1. Gawa 4:12; Rom. 10:13-15

  2. Aw. 19; Rom. 1:18-23

  3. Mat. 28:18-20; Lu. 24:46-47 at Gawa 17:29-30; Rom. 2:12a; 3:9-20

3. Ang pagpapahayag ng ebanghelyo sa mga makasalanan ay isinagawa sa iba't ibang paraan at iba't ibang lugar, ayon sa makapangyarihan at kalugud-lugod na kalooban ng Diyos.(5) Ito ay ipinagkakaloob sa mga banal at mga tao, na may mga pangako at pagtuturo ukol sa pagsunod sa ebanghelyo. Ang pangako ng pagpapahayag ng ebanghelyo ay hindi batay sa anumang mabuting paggamit ng mga tao ng kanilang likas na kakayahan na nanggaling sa likas na liwanag na karaniwan sa lahat. Kailanman ay walang taong gumamit ng kaliwanagang ito, ni hindi maaari.(6) Samakatuwid, sa lahat ng panahon, ang ebanghelyo ay nahayag at ipinagkaloob sa mga tao at mga bansa, pinalawak man o pinakitid, sa iba't ibang paraan ayon sa minagaling ng Kanyang kalooban.

  1. Mat. 11:20; Gawa 16:7

  2. Rom. 1:18-32; 3:10-12; 8:7-8

4. Ang ebanghelyo ang tanging panlabas na paraan ng pagpapahayag sa mga tao kay Cristo at sa nakaliligtas na biyaya. Ito ay lubusang sapat sa ganitong layunin.(7) Subali't upang ang tao na patay sa kanilang mga kasalanan ay maipanganak na muli o mabuhay, mayroon pang higit na kinakailangan: ang mabisa at matagumpay na gawain ng Banal na Espiritu sa bawa't bahagi ng kaluluwa ng tao. Sa ganitong gawain, isang bagong buhay espirituwal ang nalilikha. Wala nang ibang gawain ang makapagdudulot ng panunumbalik sa Diyos.(8)

  1. Rom. 1:16-17

  2. Juan 6:44; 1 Cor. 1:22-24; 2:14; 2 Cor. 4:4-6

KABANATA 21

ANG KALAYAANG CRISTIANO AT KALAYAAN NG BUDHI

1. Binili ni Cristo ang kalayaang nasa ebanghelyo para sa lahat ng mga mananampalataya. Ito ay binubuo ng kalayaan mula sa pagiging maysala, sa paghatol dahil sa sala, sa kapootan ng Diyos at sa sumpa at kahigpitan ng kautusan ng Diyos.(1) Kasama rin nito ang pagliligtas mula sa kasalukuyang masamang sanlibutang ito, at mula sa lahat ng ganyang mga bagay tulad ng pagkaalipin kay Satanas, paghahari ng kasalanan,(2) ng samâ ng mga pagdurusa, ng takot at tibo ng kamatayan, ng pagtatagumpay ng libingan at walang hanggang kapahamakan.(3) Bukod dito, mayroon ding malayang paglapit sa Diyos at kusang pagsunod sa Kanya, hindi tulad ng aliping may takot sa kanyang panginoon, kundi isang anak na may pag-ibig at pagkukusa.(4)

Ang lahat ng mga pagpapalang ito ay tinamasa ng mga mananampalataya sa panahon ng Lumang Tipan.(5) Nguni't sa panahon ng Bagong Tipan, ang kalayaan ng mga Cristiano ay lalong malawak. Saklaw nito ang kalayaang mula sa kabigatang dulot ng mga kautusang ukol sa seremonya na kinapapailaliman ng iglesia ng Hudyo at higit na pagkakatiwala sa paglapit sa luklukan ng biyaya ng Diyos. Gayon din, may mas higit na bahagi ng Espiritu ng Diyos na karaniwang ipinagkakaloob kaysa sa mga mananampalataya nang panahon ng Lumang Tipan.(6)

  1. Juan 3:36; Rom. 6:33; Gal. 3:13

  2. Gawa 26:18; Rom. 6:14-18; 8:3; Gal. 1:4; Ef. 2:1-3; Col. 1:13

  3. Rom. 8:28; 1 Cor. 15:54-57; 1 Tes. 1:10; Heb. 2:14-15

  4. Rom. 8:15; Ef. 2:18; 3:12; 1 Juan 4:18

  5. Aw. 19:7-9; 119:14,24,45,47,48,72,97; Juan 8:32; Rom. 4:5-11; Gal. 3:9; Heb. 11:27,33-34

  6. Juan 1:17; 7:38-39; Gal. 2:11-12; 4:1-3; Col. 2:16-17; Heb. 1:1-2a; 7:19,22; 8:6; 9:23; 10:19-21; 11:40

2. Ang Diyos lamang ang Panginoon ng budhi.(7) Pinalaya Niya ang budhi sa lahat ng mga tungkulin na tumanggap o sumunod sa anumang pagtuturo o kautusan ng mga tao, kung ito ay salungat sa Salita ng Diyos o hindi nakatala rito.(8) Tunay na ang maniwala at sumunod sa ganyang pagtuturo at kautusan dahil sa budhi ay isang pagtataksil sa tunay na kalayaan ng budhi.(9) Ang paghingi ng lubos na pananampalataya at ganap at bulag na pagsunod ay pagwasak sa kalayaan ng budhi at laban din sa lahat ng pangangatwiran.(10)

  1. San. 4:12; Rom. 4:14; Gal. 5:1

  2. Gawa 4:19, 5:29; 1 Cor. 7:23; Mat. 15:9

  3. Gal. 1:10; 2:3-5; 5:1; Col. 2:20-23

  4. Juan 4:22; Gawa 17:11; Rom. 10:17; 14:23; 1 Cor. 3:5; 2 Cor. 1:24

3. Ang paggawa ng anumang kasalanan o pagtatanim ng masamang pagnanasa na idinadahilan ang paggamit ng kalayaang Cristiano ay nagbabaluktot sa pangunahing layunin ng biyaya ng ebanghelyo, sa ikapapahamak ng gumagawa nito.(11) Lubusan nilang winawasak ang pinakalayunin ng kalayaang Cristiano. Kung gayon, ang mga tao ng Panginoon na pinalaya sa kamay ng kanilang mga kaaway, ay maglilingkod sa Kanya ng walang takot, sa kabanalan at katuwiran sa harap Niya sa lahat ng kanilang mga araw.(12)

  1. Rom. 6:1-2

  2. Lu. 1:74-75; Rom. 14:9; Gal. 5:13; 2 Ped. 2:18-21

KABANATA 22

ANG BANAL NA PAGSAMBA AT ANG ARAW NG PANGINOON

1. Ipinakikita ng liwanag ng kalikasan na mayroong isang Diyos na may kapamahalaan at kapangyarihan sa lahat. Siya ay makatarungan at mabuti, at gumagawa Siya ng mabuti sa lahat. Kaya dapat Siyang katakutan, mahalin, purihin, tawagan, pagtiwalaan at paglingkuran ng mga tao ng buong puso, kaluluwa at lakas.(1) Datapuwa't, ang tanging katanggap-tanggap na paraan ng pagsamba sa tunay na Diyos ay itinakda mismo Niya ayon sa Kanyang sariling kalooban. Hindi Siya maaaring sambahin ayon sa mga palagay at paraan ng tao, ni sa mga nagbubuhat na mungkahi ni Satanas. Hindi Siya maaaring sambahin sa pamamagitan ng mga nakikitang simbolo tulad ng larawan, imahen, krus at iba pang anyo ng pagsamba na hindi iniuutos sa Banal na Kasulatan.(2)

  1. Jer. 10:7; Mar. 12:33

  2. Gen. 4:1-5; Ex. 20:4-6; Lev. 10:1-3; Deut. 4:2; 12:29-32; 17:3; Jos. 1:7; 23:6-8; 2 Hari 16:10-18; Mat. 15:3,8-9,13; Col. 2:20-23; 2 Tim. 3:15-17

2. Ang banal na pagsamba ay dapat ibigay sa Diyos Ama, Anak at Banal na Espiritu, at sa Kanya lamang.(3) Hindi ito dapat ibigay sa mga anghel, sa mga santo, o alin mang nilalang.(4) Mula nang mahulog ang tao sa pagkakasala, ang pagsamba ay hindi maaaring ibigay sa Diyos na walang tagapamagitan. Ang tanging katanggap-tanggap na pamamagitan ay yaong kay Cristo lamang.(5)

  1. Mat. 4:9-10; 28:19; Juan 5:23; 2 Cor. 13:14;

  2. Rom. 1:25; Col. 2:18; Apoc. 19:10

  3. Juan 14:6; Ef. 2:18; Col. 3:17; 1 Tim. 2:5

3. Hinihingi ng Diyos sa lahat ng mga tao na manalangin sa Kanya, at magpasalamat, yamang ito ay isang bahagi ng likas na pagsamba.(6) Datapuwa't upang ito'y maging katanggap-tanggap, dapat itong gawin sa Pangalan ng Anak ng Diyos,(7) sa tulong ng Banal na Espiritu(8) at ayon sa Kanyang kalooban.(9) Dapat din itong maging magalang, mapagpakumbaba, maalab at matiyaga, may pananampalataya, pag-ibig at pag-unawa.(10) Kung nananalangin na kasama ng iba, dapat itong nasa wikang nauunawaan ng lahat.(11)

  1. Aw. 95:1-7; 100:1-5

  2. Juan 14:13,14

  3. Rom. 8:26

  4. 1 Juan 5:14

  5. Gen. 18:27; Aw. 47:7; Ec. 5:1-2; Mat. 6:12,14-15; Mar. 11:24; Ef. 6:18; Col. 4:2; Heb. 12:28; San. 1:6-7; 5:16

  6. 1 Cor. 14:13-19,27-28

4. Ang panalangin ay dapat gawin para sa mga bagay na ayon sa kalooban ng Diyos, at sa lahat ng uri ng tao na nabubuhay ngayon at sa hinaharap.(12) Datapuwa't hindi dapat manalangin para sa mga patay,(13) at hindi rin dapat manalangin para sa mga taong maliwanag na nagkasala ng kasalanang humahantong sa kamatayan.(14)

  1. Juan 5:14; 17:20; 1 Tim. 2:1-2

  2. 2 Sam. 12:21-23

  3. Lu. 16:25-26; 1 Juan 5:16; Apoc. 14:13

5. Ang lahat ng bahagi ng banal na pagsamba sa Diyos ay: ang pagbabasa ng Banal na Kasulatan;(15) ang pangangaral at pakikinig ng Salita ng Diyos;(16) ang pagtuturo at pagpapaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng salmo, himno at mga banal na awitin, na umaawit ng taos-pusong pagpapasalamat sa Panginoon;(17) ang pagbabautismo(18) at pagdaraos ng Banal na Hapunan.(19) Dapat itong ganapin ng may pagsunod sa Kanya, na may pag-unawa, pananampalataya, paggalang at pagkatakot sa Diyos. Bukod doon, sa mga tanging mga pagkakataon, ang taimtim na pagpapakumbaba,(20) pag-aayuno at pagpapasalamat ay dapat ganapin sa banal at magalang na paraan.(21)

  1. Gawa 15:21; 1 Tim. 4:13; Apoc. 1:3

  2. Lu. 8:18; 2 Tim. 4:2

  3. Ef. 5:19; Col. 3:16

  4. Mat. 28:19-20

  5. 1 Cor. 11:26

  6. Est. 4:16; Joel 2:12; Mat. 9:15; Gawa 13:2-3; 1 Cor. 7:5

  7. Ex. 15:1-19; Aw. 107

6. Ayon sa ebanghelyo, sa Bagong Tipan, hindi nakasalalay ang pagiging katanggap-tanggap ng panalangin, ni anumang bahagi ng banal na pagsamba, sa lugar na pinagdadausan, o sa dako na pinag-uukulan ng pagsamba.(22) Ang Diyos ay dapat sambahin sa lahat ng dako sa espiritu at katotohanan.(23) Dapat Siyang sambahin sa mga pami-pamilya(24) araw-araw(25) at sa personal na pagsamba sa lihim.(26) Gayon din, dapat Siyang sambahin nang taimtim sa mga tanging pagtitipon sa pagsamba.(27) Ang mga ganitong pagkakataon ng pagsamba ay naaayon sa Salita ng Diyos at probidensiya. Hindi dapat pabayaan o kusang talikuran ng mga mananampalataya ang mga ito.(28)

  1. Juan 4:21

  2. Mal. 1:11; Juan 4:23-24; 1 Tim. 2:8

  3. Deut. 6:6-7; Job 1:5; Gawa 10:2; 1 Ped. 3:7

  4. Mat. 6:11

  5. Mat. 6:6

  6. Aw. 84:1-2,10; Mat. 18:20; 1 Cor. 3:16; 14:25; Ef. 2:21-22

  7. Gawa 2:42; Heb. 10:25

7. Itinuturo ng batas ng kalikasan na ang isang bahagi ng panahon na itinakda ng Diyos ay dapat italaga sa pagsamba sa Diyos. Samakatuwid, ayon sa Kanyang Salita, Kanyang sadyang itinalaga ang isang araw sa pito na ipangilin bilang isang banal na sabbath sa Kanyang sarili.(29) Ang utos ukol dito ay morál, tiyak at walang hanggan. Sinasaklaw nito ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga panahon. Mula sa pasimula ng sanlibutan hanggang sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, ang sabbath ay ang huling araw ng isang linggo. Subali't nang si Cristo ay nabuhay na mag-uli, ito ay naging unang araw ng linggo at tinawag na araw ng Panginoon. Ito ay nagpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo na sabbath ng Cristiano. Pinawalang-bisa na ang pangingilin ng ikapitong araw.(30)

  1. Gen. 2:3; Ex. 20:8; Mar. 2:27-28; Apoc. 1:10

  2. Juan 20:1; Gawa 2:1; 20:7; 1 Cor. 16:1-2; Col. 2:16-17; Apoc. 1:10

8. Ipinangingilin ng mga tao ang araw ng Panginoon kapag taimtim nilang naihanda ang kanilang puso sa pagsamba at naisaayos ang kanilang karaniwang mga gawain. Ipinapahinga nila ang buong araw sa kanilang mga sariling gawa, salita at pag-iisip ukol sa kanilang trabaho at pagliliwaliw.(31) Sa halip, iniuukol nila ang buong araw ng Panginoon sa pangkalahatan at personal na pagsamba sa Diyos at sa mga tungkulin ng pangangailangan at awa.(32)

  1. Ex. 20:8-11; Neh. 13:15-22; Isa. 58:13-14; Apoc. 1:10

  2. Mat. 12:1-13; Mar. 2:27-28

KABANATA 23

MGA MATUWID NA SUMPA AT PANATA

1. Ang matuwid na pagsumpa ay isang bahagi ng banal na pagsamba. Ang taong sumusumpa sa katotohanan, katuwiran at katarungan ng Diyos ay taimtim na tumatawag sa Kanya na saksihan ng Diyos ang isinumpa, at hatulan siya ayon sa katotohanan o kasinungalingan nito.(1)

  1. Ex. 20:7; Deut. 10:20; Lev. 19:12; 2 Cron. 6:22-23; 2 Cor. 1:23

2. Ang sumpa ay makatuwiran lamang kapag ito ay ginagawa na may banal na pagkatakot at paggalang sa pangalan ng Diyos. Ang manumpa ng walang kabuluhan o walang ingat sa pamamagitan ng maluwalhati at kakila-kilabot na Pangalang yaon, o ang manumpa sa anumang paraan sa pamamagitan ng anumang bagay, ay makasalanan at dapat kasuklaman.(2) Ipinahihintulot ng Salita ng Diyos ang pagsumpa kapag isinaalang-alang ang mabibigat at mahahalagang bagay, at kapag kinakailangang pagtibayin ang katotohanan, at kapag ninanasa ang pagwawakas ng labanan. Sa ganitong pagkakataon, ipinahihintulot na manumpá ng tuwid sa iniaatas ng kapamahalaan.(3)

  1. Ex. 20:7; Deut. 6:13; Jer. 5:7

  2. Gen. 24:3; 47:30-31; 50:25; Ex. 22:11; Blg. 5:19,21; 1 Hari 8:31; 17:1; Ezra 10:5; Neh. 5:12; 13:25; Isa. 45:23; 65:16; Mat. 26:62-64; Gawa 18:18; Rom. 1:9; 2 Cor. 1:23; Heb. 6:13-16

3. Dapat pag-isipan ng sinumang sumusumpa ayon sa Salita ng Diyos ang kabigatan ng ganyang taimtim na gawa at maging lubhang maingat na ipilit ang anuman maliban sa kanyang nalalamang katotohanan, sapagka't sa pamamagitan ng walang ingat, bulaan at walang kabuluhang mga panunumpa ang Panginoon ay nagagalit. Dahil sa kanila, ang isang bansa ay dinadala sa kapighatian.(4)

  1. Ex. 20:7; Lev. 19:12; Blg. 30:2; Jer. 4:2

4. Ang pagsumpa ay dapat gamitan ng mga salitang maliwanag at makabuluhan, na hindi nagdadalawang kahulugan ni may paglilihim.(5)

  1. Aw. 24:4; Jer. 4:2

5. Ang pananata ay tanging sa Diyos lamang at hindi sa karaniwang nilikha.(6) Minsang magawa ang mga ito, dapat itong ganapin ng buong ingat at katapatan.(7) Datapuwa't ang mga panatang pang-monghe ng pananatili sa buhay na walang asawa,(8) pagpapakadukha,(9) at walang pasubaling pagsunod na ukol sa Iglesiang Romano ay hindi naglalarawan ng higit na kabanalan. Ang mga ito ay mga pamahiin lamang at mga makasalanang silo na hindi kakasangkutan ng sinumang tunay na mananampalataya.(10)

  1. Blg. 30:2-3; Aw. 76:11; Jer. 44:25-26

  2. Blg. 30:2; Aw. 61:8; 66:13-14; Ec. 5:4-6; Isa. 19:21

  3. 1 Cor. 6:18 at 1 Cor. 7:2,9; 1 Tim. 4:3

  4. Ef. 4:28

  5. Mat. 19:11-12; 1 Cor. 7:23

KABANATA 24

PANGMAMAMAYANG PAMAHALAAN

1. Ang Diyos na kataas-taasang Panginoon at Hari ng buong sanlibutan ay nagtatag ng pangmamamayang pamahalaan sa ilalim Niya. Itinatag Niya ang mga ito upang pamahalaan ang lahat ng mga tao,(1) sa Kanyang sariling ikaluluwalhati at sa ikabubuti ng madla.(2) Upang matamo ang mga layuning ito, ibinigay Niya sa kanila ang mga kapangyarihan ng buhay at kamatayan, para sa pagtatanggol at pagpapalakas-loob sa mga gumagawa ng mabuti at sa ikapaparusa ng mga gumagawa ng masama.(3)

  1. Aw. 82:1; Lu. 12:48; Rom. 13:1-6; 1 Ped. 2:13-14

  2. Gen. 6:11-13 at 9:5-6; Aw. 58:1-2; 72:14; 82:1-4; Kaw. 21:15; 24:11-12; 29:14,26; 31:5; Ez. 7:23; 45:9; Dan. 4:27; Mat. 22:21; Rom. 13:3-4; 1 Tim. 2:2; 1 Ped. 2:14

  3. Gen. 9:6; Kaw. 16:14; 19:12; 20:2; 21:15; 28:17; Gawa 25:11; Rom. 13:4; 1 Ped. 2:14

2. Matuwid para sa mga Cristiano na tanggapin at tuparin ang mga tungkulin ng pamahalaan kung inaatasang gawin ito.(4) Sa pagtupad ng ganitong tungkulin, sila ay may pananagutang panatilihin ang katarungan at kapayapaan, ayon sa mabubuting batas ng kanilang bansa. Sa panahon ng Bagong Tipan, maaari silang makipagdigma kung ito ay makatarungan at kinakailangan.(5)

  1. Ex. 22:8-9,28-29; Buong Aklat ng Nehemias; Kaw. 14;35; 16:10,12; 20:26,28; 25:2; 28:15-16; 29:4,14; 31:4-5; Buong Aklat ng Daniel; Rom. 13:2,4,6

  2. Lu. 3:14; Rom. 13:4

3. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa mga layuning nabanggit. Dapat pasakop sa kanila ang mga Cristiano(6) hinggil sa lahat ng mga matuwid na bagay na iniuutos sa kanila(7) alang-alang sa Panginoon, hindi lamang para maiwasan ang kaparusahan kundi para sa budhi rin. Dapat silang manaing at manalangin para sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na kalagayan upang sila'y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.(8)

  1. Kaw. 16:14-15; 19:12; 20:2; 24:21-22; 25:15; 28:2; Rom. 13:1-7; Tit. 3:1; 1 Ped. 2:13-14

  2. Dan. 1:8; 3:4-6,16-18; 6:5-10,22; Mat. 22:21; Gawa 4:19-20; 5:29

  3. Jer. 29:7; 1 Tim. 2:1-4

KABANATA 25

ANG PAG-AASAWA

1. Ang pag-aasawa ay sa isang lalaki at sa isang babae. Hindi matuwid para sa kaninumang lalaki na magkaroon ng higit sa isang asawa ni para sa kaninumang babae na magkaroon ng higit sa isang asawa, sa isang panahon.(1)

  1. Gen. 2:24; Mal. 2:14; Mat. 19:5-6; 1 Tim. 3:2; Tit. 1:6

2. Itinatag ng Diyos ang pag-aasawa para sa pagtutulungan ng mag-asawa,(2) sa pagpaparami ng sangkatauhan ayon sa Kanyang mga kautusan,(3) at sa pagsansala sa kahalayan.(4)

  1. Gen. 2:18; Kaw. 2:17; Mal. 2:14

  2. Gen. 1:28; Aw. 127:3-5; 128:3-4

  3. 1 Cor. 7:2,9

3. Matuwid para sa lahat ng uri ng tao na mag-asawa, kung sa kanilang palagay ay makapagbibigay sila ng pagsang-ayon.(5) Datapuwa't tungkulin ng mga Cristiano na mag-asawa sa kalooban lamang ng Panginoon. Dahil dito, ang mga nagpapalagay na sila'y mga Cristiano ay hindi dapat mag-asawa sa mga di-manananampalataya at sa mga sumasamba sa diyus-diyusan. Hindi rin nararapat sa mga mananampalataya na makipamatok sa mga taong namumuhay sa kasamaan o naniniwala sa kasumpa-sumpang hidwang pananampalataya.(6)

  1. 1 Cor. 7:39; 2 Cor. 6:14; 1 Tim. 4:3; Heb. 13:4

  2. Neh. 13:25-27; 1 Cor. 7:39; 2 Cor. 6:14

4. Hindi dapat na mag-asawa ang mga magkakamag-anak na ipinagbabawal sa Salita ng Diyos. Ang mga gayong ipinagbabawal na pagpipisan ay hindi kailanman maaaring maging matuwid sa pamamagitan ng anumang batas ng tao o pagsang-ayon ng mga nasasangkot. Ang mga ito ay hindi kailanman maaaring magsama bilang mag-asawa.(7)

  1. Lev. 18:6-18; Amos 2:7; Mar. 6:18; 1 Cor. 5:1

KABANATA 26

ANG IGLESIA

1. Ang pangkalahatang Iglesia(1) ay maaaring tawaging di-nakikita ayon sa panloob na gawa ng Espiritu at katotohanan ng biyaya. Ito ay binubuo ng buong bilang ng mga hinirang na tinipon noon, ngayon at sa hinaharap. Sila ay iisa kay Cristo na Siyang Pangulo. Ang iglesia ay ang asawa, ang katawan, kapuspusan ni Cristo na pumupuspos ng lahat sa lahat.(2)

  1. Mat. 16:18; 1 Cor. 12:28; Ef. 1:22,23; 4:11-15; 5:23-32; Col. 1:18,24; Heb. 12:23

  2. Ef. 1:22; 4:11-15; 5:23-25,27,29,32; Col. 1:18,24; Apoc. 21:9-14

2. Lahat ng mga tao sa sanlibutan na nagpapahayag ng pananampalataya sa ebanghelyo at sumusunod sa Diyos kay Cristo, ay tinatawag at maaaring tawagin na nakikitang banal.(3) Ang mga gayong "banal" ay hindi nagpapawalang kabuluhan sa kanilang paniniwala sa pamamagitan ng mga kamalian na sumàsalungát o laban sa Salita ng Diyos, at sa pamumuhay na walang kabanalan. Ang lahat ng mga iglesiang lokal ay dapat na binubuo ng mga gayong mga banal na tao.(4)

  1. Mat. 16:18; 18:15-20; Gawa 11:26; Rom. 1:7-8; 1 Cor. 1:2; 5:1-9

  2. Mat. 18:15-20; Gawa 2:37-42; 4:4; Rom. 1:7; 1 Cor. 5:1-9; Ef. 1:20-22

3. Ang pinakadalisay na mga iglesia sa ilalim ng langit ay maaa-ring bagabagin ng paghahalo at kamalian.(5) Ang ilan ay nagpaka- sama-sama kung kaya hindi na sila mga iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo kundi mga "sinagoga ni Satanas".(6) Gayon pa man, si Cristo ay laging may kaharian sa sanlibutang ito magpakailanman. Ito ay binubuo ng mga sumasampalataya sa Kanya at nagpapahayag ng Kanyang pangalan.(7)

  1. 1 Cor. 1:11; 5:1; 65:6; 11:17-19; 3 Juan 9-10; Apoc. 2 at 3

  2. 1 Tim. 3:14-15; Apoc. 2:5 at 1:20; 18:2;

  3. Aw. 72:16-18; 102:28; Isa. 9:6-7; Mat. 16:18; 24:14; 28:20; Mar. 4:30-32; Apoc. 12:17; 20:7-9

4. Ang Panginoong Jesu-Cristo ang pangulo ng Iglesia. Sa pagtatalaga ng Ama, ang lahat ng kapamahalaang kinakailangan sa pagtawag, pagtatatag, pagsasaayos at pamamahala ng iglesia ay lubos at makapangyarihang ibinigay sa Kanya.(8) Hindi maaaring sa anumang paraan na maging pangulo ng Iglesia ang Papa sa Roma sapagka't siya ay anticristo, "ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan na sumasalangsang at nagmamataas laban kay Cristo at sa lahat na tinatawag na Diyos", na lilipulin ng Panginoon ng Kanyang kaliwanagan sa Kanyang pagdating.(9) *

  1. Mat. 28:18-20; Juan 10:14-16; 17:1-3; Gawa 5:31; 1 Cor. 12:27-28; Ef. 1:20-23; 4:11-16; 5:23-32; Col. 1:18

  2. 2 Tes. 2:2-9

* Ang sinasabi tungkol sa papa ay isang paniniwala noong panahong isinusulat ang Confession. Hindi natin maaaring sabihin na siya ang anticristo mismo sapagka't maraming relihion at iba pa na laban sa katotohanan ni Cristo. Maaaring masabi na siya ay isa sa mga laban kay Cristo.

5. Sa pagpapatupad ng kapamahalaan na ipinagkatiwala sa Kanya, tinatawag ng Panginoong Jesus sa Kanyang sarili mula sa sanlibutan, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang Salita, at sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, ang lahat na ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama,(10) upang mamuhay sila sa Kanyang harapan na may pagsunod na hinihingi Niya sa kanila sa Kanyang Salita.(11) Iniuutos Niya sa mga tinawag na ito na bumuo ng mga tanging lipunan o iglesia upang maitaguyod ang pagpapatibay sa isa't isa, at para sa nararapat na pagganap sa pangmadlang pagsamba na hinihingi Niya sa kanila sa mundong ito.(12)

  1. Juan 10:16,23; 12:32; 17:2; Gawa 5:31-32

  2. Mat. 28:20

  3. Mat. 18:15-20; Gawa 14:21-23; 1 Tim. 1:3; 3:14-16; 5:17-22; Tit. 1:5

6. Ang mga kaanib ng mga iglesiang ito ay mga banal sapagka't sila ay tinawag ni Cristo. Sa hayag na paraan, ipinakikita nila sa kanilang pananalita at pamumuhay na sila ay sumusunod sa tawag ni Cristo.(13) Sila ay kusang-loob na sumasang-ayon na magkaroon ng pakikisama sa isa't isa ayon sa mga utos ni Cristo. Ibinibigay nila ang kanilang sarili sa Panginoon at sa isa't isa ayon sa kalooban ng Diyos. Sila ay nagpapasakop sa mga ordinansiya ng ebanghelyo.(14)

  1. Mat. 28:18-20; Gawa 2:37-42; 4:4; 5:13-14; 14:22-23; Rom. 1:7; 1 Cor. 1:2,13-17; 1 Tes. 1:1-10

  2. Gawa 2:41-42, 5:13-14; 2 Cor. 9:13

7. Ibinigay ng Panginoon ang buong kapangyarihan at kapamahalaang kinakailangan sa bawa't iglesiang ito na nagtitipon ayon sa banal na kalooban na ipinahayag sa Kanyang Salita. Ang mga ito ay para sa pagpapatupad sa kaayusan ng pagsamba at disiplina na Kanyang itinalaga upang kanilang tuparin. Ibinigay rin Niya ang lahat ng kautusan at tuntunin para sa nararapat at matuwid na paggamit ng kapangyarihang ito.(15)

  1. Mat. 18:17-18; 1 Cor. 5:4-5, 5:13; 2 Cor. 2:6-8

8. Ang iglesiang lokal na tinipon at lubos na itinatag ayon sa kaisipan ni Cristo ay binubuo ng mga namumuno at mga kaanib. Ang mga namumuno na itinalaga ni Cristo na dapat piliin at ibukod ng iglesia ay ang mga pastor at mga diakono. Ang kanilang tanging pananagutan ay ang pagsasaayos ng pagpapatupad ng mga ordinansiya ng Panginoon, at paggamit ng mga kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ang ganyang kaayusan ng iglesia ay nagpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo.(16)

  1. Gawa 20:17,28; Fil. 1:1; 1 Tim. 3:1-13; Tit. 1:5-7; 1 Ped. 5:2

9. Itinalaga ni Cristo ang paraan ng pagtawag sa sinumang nararapat at may kaloob na ibinigay ng Banal na Espiritu(17) para sa tungkulin ng pastor sa iglesia. Ang taong ito ay dapat piliin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon at paghalal ng iglesia mismo.(18) Siya ay dapat taimtim na ibukod sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin, na may pagpapatong ng mga kamay ng mga kasalukuyang namumuno kung mayroon man.(19) Gayon din, ang mga diakono ay dapat piliin sa pamamagitan ng pangkalahatang paghalal ng iglesia at ibukod sa pamamagitan ng panalangin at pagpapatong ng mga kamay.(20)

  1. Ef. 4:11; 1 Tim. 3:1-13

  2. Gawa 6:1-7; 14:23 at Mat. 18:17-20; 1 Cor. 5:1-13

  3. 1 Tim. 4:14; 5:22

  4. Gawa 6:1-7

10. Kinakailangan ang mga pastor na magbigay ng palagiang pag-aasikaso sa mga gawain ni Cristo sa Kanyang mga iglesia. Dapat nilang ibigay ang kanilang mga sarili sa pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos, at sa panalangin, at alagaan ang mga kaluluwa ng mga tao sa kanilang ikabubuti, na gaya ng mga magbibigay-sulit sa Panginoon.(21) Kaya nga kinakailangan na ang mga iglesia na pinaglilingkuran nila ay magbigay sa kanila ayon sa kakayahan ng mga iglesia,(22) hindi lamang sa marapat na paggalang, kundi upang sila ay mamuhay ng may kaluwagan, upang hindi sila mangailangang maghanap-buhay sa labas.(23) Sa gayon, maaari silang makapagpatulóy sa mga ibang tao.(24) Ang gayong kaayusan ay hinihingi ng kautusan ng kalikasan mismo, at ng maliwanag na utos ng ating Panginoong Jesus na Siyang nagpasiya na silang "nangangaral ng ebanghelyo ay sa ebanghelyo mabubuhay".(25)

  1. Gawa 6:4; 1 Tim. 3:2; 5:17; Heb. 13:17

  2. 1 Cor. 6:6-7; Gal. 6:6-7; 1 Tim. 5:17-18;

  3. 2 Tim. 2:4

  4. 1 Tim. 3:2

  5. 1 Cor. 9:6-14; 1 Tim. 5:18

11. Tungkulin ng mga pastor ng mga iglesia ayon sa katungkulan na maging palagiang masugid sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Gayon pa man, ang gayong gawain ay hindi lamang para sa kanila. Maaaring marapatin ng Banal na Espiritu ang mga iba sa gayon ding gawain sa pagbibigay sa kanila ng mga kinakailangang kaloob. Kaya kung ang mga ito ay pinatunayan at tinawag ng iglesia sa gawain, sila ay maaari at nararapat na gumanap nito.(26)

  1. Gawa 8:5; 11:19-21; 1 Ped. 4:10-11

12. Tungkulin ng lahat ng mga mananampalataya na umanib sa iglesiang lokal saanman at kailanman sila ay may pagkakataong tumupad nito. Lahat ng mga tinanggap sa mga karapatan ng iglesia ay nasasakop din ng disiplina at pamamahala ng iglesia ayon sa pamamahala ni Cristo.(27)

  1. 1 Cor. 5:9-13; 1 Tes. 5:14; 2 Tes. 3:6,14-15; Heb. 13:17

13. Ang sinumang kaanib ng iglesia na natitisod sa pag-uugali ng kapwa kaanib, matapos na makasunod sa mga utos sa Banal na Kasulatan ukol sa pagharap sa ganyang pangyayari, ay kinakailangang magpigil sa paggambala ng kapayapaan ng iglesia. Hindi rin sila dapat na lumiban sa mga pagtitipon ng iglesia o sa pagpapatupad ng mga ordinansiya dahil sa pagkatisod nila sa ilan sa kanilang kapwa kaanib. Dapat silang mag-antay kay Cristo sa mga susunod na kapasiyahan ng iglesia.(28)

  1. Mat. 18:15-17; 28:20; Ef. 4:2-3; Col. 3:12-15; 1 Juan 2:7-11,18-19

14. Dapat ay patuloy na manalangin ang lahat ng mga kaanib ng bawa't iglesiang lokal para sa ikabubuti at ikauunlad ng lahat ng mga iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng dako. Sa lahat ng pagkakataon, sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang kaloob at katangiang espirituwal,(29) dapat nilang tulungan ang lahat ng kapwa mananampalataya na makakasalamuha nila sa kanilang paligid at hanapbuhay.(30) Samakatuwid, dapat hanapin ng mga iglesia ang pakikisama sa isa't isa hangga't ibinibigay ng probidensiya ng Diyos ang pagkakataong matamasa ang mga gayong kapakinabangan.(31)

  1. Aw. 122:6; Juan 8:10 at 2 Juan 5-11; Juan 13:34-35; 17:11,21-23; Rom. 15:26; 16:1-3; 2 Cor. 8:1-4, 16-24; 9:12-15; Ef. 4:11-16; 6:18; Col. 2:1 at 1:3,4,7 at 4:7,12; 3 Juan 8-10

  2. Rom. 16:1-2; Gal. 1:2,22; Col. 4:16; 3 Juan 8-10; Apoc. 1:4

  3. Jos. 22; Rom. 16:1-3; 2 Cor. 9:12-15; 1 Juan 4:1-3 at 2 Juan at 3 Juan

15. Kapag nagkaroon ng mga suliranin o di-pagkakasundo sa doktrina o pangangasiwa ng iglesia, at ang kapayapaan, pagkakaisa at katibayan ng iglesia ay nasasapanganib, isang iglesia lamang o ang lahat ng mga iglesia ang maaaring masangkot. Muli ang kaanib o mga kaanib ng isang iglesia ay maaaring masaktan sa pagdidisiplina na hindi ayon sa katotohanan at kaayusan ng iglesia. Sa mga pangyayaring gaya nito, naaayon sa kaisipan ni Cristo na ang maraming iglesia na may pakikisama sa isa't isa ay dapat magpulong at magsangguniang magkakasama sa pamamagitan ng kanilang napiling kinatawan. Sila ay maaaring makapagbigay ng kanilang payo hinggil sa mga bagay na pinagtatalunan ng mga iglesiang nasasangkot.(32) Gayon pa man, dapat maunawaan na ang mga kinatawang nagpupulong ay hindi pinagkatiwalaan ng anumang kapangyarihan ng iglesia. Wala rin silang kapangyarihan sa mga iglesia mismo upang magdisiplina sa anumang iglesia o sinumang tao, ni ipilit ang kanilang pasiya sa mga Iglesia o sa mga namumuno nito.(33)

  1. Kaw. 3:5-7; 12:15; 13:10; Gawa 15:2-6,22-25; Gal. 2:2;

  2. 1 Cor. 7:25,36,40; 2 Cor. 1:24; 1 Juan 4:1

KABANATA 27

ANG PAKIKISAMA NG MGA BANAL

1. Ang lahat ng mga banal ay pinag-isa kay Jesu-Cristo(1) na kanilang ulo sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at ng pananampalataya.(2) Subali't hindi nangangahulugan na sila ay naging isang persona kasama Niya.(3) Gayon man sila ay may pakikisama sa Kanyang pagpapala, pagdurusa, pagkamatay, pagkabuhay na mag-uli at kaluwalhatian.(4) Bukod dito, dahil sa sila ay nagkakaisa sa pag-iibigan, mayroon silang pakikisama sa mga kaloob at pagpapala ng isa't isa.(5) Sila ay may tungkulin na maglingkuran upang itaguyod ang kapakanan ng bawa't isa, sa espirituwal at gayon din sa materyal na mga bagay.(6)

  1. Juan 17:2,6; Rom. 6:8; 8:2,17; 1 Cor. 6:17; Ef. 1:4; 2 Ped. 1:4

  2. 2 Cor. 3:17-18; Gal. 2:20; Ef. 3:16-17

  3. Aw. 45:7; Isa. 42:8; 1 Cor. 8:6; Col. 1:18-19; 1 Tim. 6:15-16; Heb. 1:8-9

  4. Juan 1:16; 15:1-6; Rom. 4:25; 6:1-6; Ef. 2:4-6; Fil. 3:10; Col. 3:3-4; 1 Juan 1:3

  5. Juan 13:34-35; 14:15; Rom. 14:7-8; 1 Cor. 3:21-23; 12:7,25-27; Ef. 4:15-16; 1 Ped. 4:10

  6. Rom. 1:12; 12:10-13; Gal. 6:10; 1 Tes. 5:11; 1 Ped. 3:8; 1 Juan 3:17-18

2. Sa kanilang pagpapahayag ng pananampalataya, ang mga banal ay nakalaan na panatilihin ang banal na pakikisama at pagkakaisa sa pagsamba sa Diyos at sa pagganap ng mga iba pang tanging paglilingkod sa pagtataguyod ng kapakanan ng isa't isa.(7) Dapat din silang magtulungan sa isa't isa sa kanilang mga panlupang mga bagay ayon sa kanilang iba't ibang kakayahan at pangangailangan.(8) Ang ganitong pagkakaisa, ayon sa tuntunin ng ebanghelyo, ay dapat nilang ganapin sa kanilang pagsasamahan, maging ito'y sa pami-pamilya o mga iglesia.(9) Kung paanong ipinagkakaloob ng Diyos ang pagkakataon, ang gayong pagkakaisa ay dapat ding ipaabot sa lahat ng sambahayan ng pananampalataya, samakatuwid baga'y sa lahat ng nasa bawa't dako na tumatawag sa pangalan ng Panginoong Jesus.(10) Datapuwa't, hindi inaalis ng gayong pakikisama ang pagmamay-ari ng isang tao sa kanyang mga tinatangkilik at ari-arian.(11)

  1. Heb. 3:12-13; 10:24-25

  2. Gawa 11:29-30; Rom. 15; 2 Cor. 8:9

  3. 1 Cor. 12:27; Ef. 6:4; 1 Tim. 5:8,16

  4. Gawa 11:29-30; Rom. 15; 1 Cor. 12:14-27; 2 Cor. 8-9; Gal. 2:6-10

  5. Ex. 20:15; Gawa 5:4; Ef. 4:28

KABANATA 28

ANG BAUTISMO AT ANG BANAL NA HAPUNAN

1. Ang bautismo at ang Banal na Hapunan ay mga ordinansiya na maliwanag at makapangyarihang itinatag ng Panginoong Jesus na Siyang tanging tagapagbigay ng kautusan.(1) Ang mga ito ay dapat ipagpatuloy sa Kanyang iglesia hanggang sa katapusan ng sanlibutan.(2)

  1. Mat. 28:19-20; 1 Cor. 11:24-25

  2. Mat. 28:18-20; Lu. 22:14-20; Rom. 6:3-4; 1 Cor. 1:13-17; 11:26; Gal. 3:27; Ef. 4:5; Col. 2:12; 1 Ped. 3:21

2. Ang mga banal na ordinansiyang ito ay dapat lamang pangasiwaan ng mga nararapat at tinawag na gumawa ng gayon, ayon sa utos ni Cristo.(3)

  1. Mat. 24:45-51; 28:19; Lu. 12:41-44; 1 Cor. 4:1; Tit. 1:5-7

KABANATA 29

ANG BAUTISMO

1. Ang bautismo ay isang ordinansiya ng Bagong Tipan na itinatag ni Jesu-Cristo. Sa taong binautismuhan, ito ay isang tanda ng kanyang pakikisama kay Cristo sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, at sa kanyang pagkakalakip kay Cristo,(1) at sa pagpapatawad ng mga kasalanan.(2) Ipinapahayag din nito na ang binautismuhan ay nagbigay ng kanyang sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo upang siya ay mabuhay at makalakad sa panibagong buhay.(3)

  1. Rom. 6:3-5; Col. 2:12; Gal. 3:27

  2. Mar. 1:4; Gawa 22:16

  3. Rom. 6:4

2. Ang mga taong tanging nakapagpapasakop sa mga ordinansiyang ito ay yaong mga tunay na nagpapahayag ng pagsisisi sa Diyos at pananampalataya at pagsunod sa ating Panginoong Jesu-Cristo.(4)

  1. Jer. 31:31; Mat.3:1-12; 21:43; 28:19-20; Mar. 1:4-6; 16:15-16; Juan 1:12-13; 4:1-2; Gawa 2:37-41, 8:12,36-38; 9:18; 10:47-48; 11:16; 15:9;16:14-15,31-34; 18:8; 19:3-5; 22:16; Rom. 6:3-4; Gal. 3:27; Fil. 3:3; Col. 2:12; 1 Ped. 3:21

3. Ang ginagamit sa ordinansiyang ito ay tubig at dito ang mananampalataya ay binabautismuhan(5) sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Banal na Espiritu.(6)

  1. Mat. 3:11; Gawa 8:36,38; 22:16

  2. Mat. 28:18-20;

4. Ang paglubog o pagtubog ng mananampalataya sa tubig ay lubhang kinakailangan para sa nararapat na pangangasiwa ng ordinansiyang ito.(7)

  1. 2 Hari 5:14; Aw. 69:2; Isa. 21:4; Mat. 3:11,16; Mar. 1:5,8-9; 7:3-4; 10:38-39; Lu. 12:50; Juan 3:23; Gawa 1:5,8; 2:1-4,17; 8:38; Rom. 6:4; 1 Cor. 10:1-2; Col. 2:12

KABANATA 30

ANG BANAL NA HAPUNAN

1. Itinatag ng Panginoon ang banal na Hapunan nang gabi ring yaon nang Siya ay ipinagkanulo.(1) Ito ay dapat ipagdiwang ng Kanyang mga iglesia(2) hanggang sa katapusan ng sanlibutan,(3) upang palagiang alalahanin Siya at ipahayag ang paghahandog ng Kanyang sarili sa Kanyang kamatayan.(4) Itinatag din ito upang pagtibayin ang mga banal sa kanilang pananampalataya na ang lahat ng pagpapala na galing sa handog ni Cristo ay nauukol sa kanila.(5) Bukod dito, ito ay nauukol sa kanilang espirituwal na kalusugan at paglago kay Cristo(6) at pagpapatibay sa pagganap ng lahat ng tungkulin na dapat nilang ibigay sa Kanya.(7) Ito rin ay isang buklod at pangako ng pakikisama ng mga mananampalataya kay Cristo at sa isa't isa.(8)

  1. Mat. 26:20-26; Mar. 14:17-22; Lu. 22:19-23; 1 Cor. 11:23-26

  2. Gawa 2:41-42; 20:7; 1 Cor. 11:17-22,33-34

  3. Mar. 14:24-25; Lu. 22:17-22; 1 Cor. 11:24-26

  4. Mat. 26:27-28; Lu. 22:19-20; 1 Cor. 11:24-26

  5. Rom. 4:11

  6. Juan 6:29,35,47-58

  7. 1 Cor. 11:25

  8. 1 Cor. 10:16-21

2. Hindi inihahandog si Cristo sa Kanyang Ama sa ordinansiyang ito, ni walang tunay na handog ang ginagawa sa ikapagpapatawad ng kasalanan ng buhay o patay. Ang banal na Hapunan ay isang pag-aalaala lamang ng tanging paghahandog ni Cristo ng Kanyang sarili sa krus, minsan magpakailanman.(9) Ito ay espirituwal na paghahandog ng lahat ng maaaring pagpuri sa Diyos para sa krus.(10) Kaya ang tinatawag na handog ng misa ng iglesiang Romano ay lubhang kasuklam-suklam, at nakapipinsala sa sariling handog ni Cristo na Siyang tanging pampalubag-loob para sa lahat ng mga kasalanan ng mga hinirang.

  1. Lu. 22:19; Juan 19:30; 1 Cor. 11:24-25; Heb. 9:25-28; 10:10-14

  2. Mat. 26:26-27,30 at Heb. 13:10-16

3. Inatasan ng Panginoong Jesus sa ordinansiyang ito ang Kanyang mga ministro na manalangin, at pagpalain ang mga simbolo ng tinapay at alak. Sa ganitong paraan, ibinubukod ang mga ito sa karaniwang gamit tungo sa banal na paggamit. Dapat nilang kunin at pagputul-putulin ang tinapay, at pagkatapos ay ang saro, at kapwa ibigay sa mga nakikisalo at sa kanyang sarili, at pagsasalu-saluhan nilang lahat.(11)

  1. Mat. 11:23-26; Mar. 14:22-25; Lu. 22:19-22; 1 Cor. 11:23-26

4. Ang pagkakait ng saro sa mga tao,(12) ang pagsamba sa mga sangkap at pagtataas ng mga ito, o ang pagdadala-dala sa mga ito sa layon ng pagsamba, at sa paglalaan sa mga ito para sa pakunwaring relihiyosong paggamit(13) ay labag lahat sa kalikasan ng ordinansiya at sa layon ni Cristo sa pagtatakda nito.(14)

  1. Mat. 26:26-28; Mar. 14:23; 1 Cor. 11:25-28

  2. Ex. 20:4-5

  3. Mat. 15:9

5. Ang mga panlabas na sangkap ng ordinansiyang ito na marapat na ibinukod sa paggamit na itinakda ni Cristo ay maliwanag na naglalarawan kay Cristo na napako sa krus, kung kaya't ang mga ito ay tinutukoy minsan sa mga bagay na kanilang inilalarawan, alalaon baga'y ang katawan at dugo ni Cristo.(15) Datapuwa't sa sangkap at kalikasan, nananatili silang tunay at tanging tinapay at alak tulad sa pasimula.(16)

  1. Mat. 26:26-28; 1 Cor. 11:27

  2. Mat. 26:29; 1 Cor. 11:26-28

6. Ang doktrinang karaniwang tinatawag na transubstantiation na nagsasaad na ang sangkap ng tinapay at alak ay nagiging sangkap ng katawan at dugo ni Cristo sa pamamagitan ng paghahandog ng pari o anumang ibang paraan ay kasuklam-suklam hindi lamang sa Banal na Kasulatan kundi maging sa karaniwang bait at katuwiran. Bukod dito, iginugupo nito ang kalikasan ng ordinansiya, at dati na at siya pa ring sanhi ngayon ng lahat ng uri ng pamahiin at labis na pagsamba sa diyus-diyusan.(17)

  1. Gen. 17:10-11; 41:26-27; Ez. 37:11; Mat. 26:26-29; Lu. 12:1; 24:36-43,50-51; Juan 1:14; 20:26-29; Gawa 1:9-11; 3:21; 1 Cor. 11:24-26; Apoc. 1:20

7. Ang mga karapat-dapat na makisalo, na hayag na kumakain at umiinom ng mga nakikitang sangkap sa ordinansiyang ito,(18) ay gayon din tumatanggap at kumakain kay Cristo na ipinako sa krus, at ginagawa nila ito hindi na tulad ng kumakain sa mismong laman at dugo ng katawan ng isang tao, kundi sa puso at sa pananampalataya.(19) Sa Banal na Hapunan, ang katawan at dugo ni Cristo ay naroon sa paniniwala ng mga mananampalataya, kung paano ang tinapay at alak ay naroon sa kanilang paningin at pandama.(20)

  1. 1 Cor. 11:23-26

  2. Juan 6:29,35,47-58

  3. 1 Cor. 10:16

8. Ang lahat ng tao na nakikisalo sa Banal na Hapunan na hindi karapat-dapat ay nagkakasala laban sa katawan at dugo ng Panginoon, at ang kanilang pagkain at pag-inom ay nagdadala sa kanila sa paghatol ng Diyos. Samakatuwid, ang lahat ng taong mangmang at makasalanan, yamang hindi sila karapat-dapat na makisama kay Cristo, ay hindi rin karapat-dapat na makisalo sa Banal na Hapunan. Habang nananatili silang gayon,(21) hindi sila marapat na pasaluhin sa banal na ordinansiya ni Cristo, sapagka't malaking kasalanan ang ganito laban kay Cristo.(22)

  1. Ex. 20:7, 16; Mat. 7:6; Gawa 2:41-42; 20:7; 1 Cor.5:9-13; 11:17-22,29-34; Ef. 4:17-24; 5:3-9; 2 Juan 10

  2. 1 Cor. 11:20-22,27-34

KABANATA 31

ANG KALAGAYAN NG TAO PAGKAMATAY AT ANG PAGKABUHAY NA MAG-ULI NG PATAY

1. Bumabalik ang mga katawan ng mga tao sa alabok pagkamatay at nabubulok,(1) nguni't ang kanilang mga kaluluwa na hindi namamatay ni natutulog ay bumabalik agad sa Diyos na nagbigay sa kanila.(2) Ang mga kaluluwa ng mga matuwid, na pinasasakdal sa kabanalan pagkamatay, ay tinatanggap sa paraiso kasama ni Cristo. Tinitingnan nila ang mukha ng Diyos sa liwanag at kaluwalhatian, at naghihintay sila sa lubos na katubusan ng kanilang mga katawan.(3) Ang mga kaluluwa ng mga masasama ay itinatapon sa impiyerno at doon sila ay nananatili sa pagdurusa at lubhang kadiliman, na nalalaan sa paghuhukom sa dakilang araw.(4) Ayon sa Banal na Kasulatan, wala nang ibang lugar pa maliban sa dalawang ito para sa kaluluwang nahiwalay sa kanilang mga katawan.

  1. Gen. 2:17; 3:19; Gawa 13:36; Rom. 5:12-21; 1 Cor. 15:22

  2. Gen. 2:7; Ec. 12:7; Mat. 10:28; San. 2:26

  3. 1 Hari 8:27-49; Aw. 23:6; Isa. 63:15; 66:1; Lu. 23:43; Gawa 1:9-11; 3:21; 2 Cor. 5:1,6-8; 12:2-4; Ef. 4:10; Fil. 1:21-23; Heb. 1:3; 4:14-15; 6:20; 8:1; 9:24; 12:23; Apoc. 6:9-11; 14:13; 20:4-6

  4. Lu. 16:23-26; Gawa 1:25; 1 Ped. 3:19; 2 Ped. 2:9

2. Sa huling araw, ang mga banal na nabubuhay sa sanlibutan ay hindi mamamatay kundi mababago.(5) Ang lahat ng mga patay ay ibabangon(6) sa kanilang mismong katawan at wala nang iba,(7) bagama't iba't iba ang katangian,(8) at ang mga katawang ito ay masasàmang muli sa kanilang kaluluwa magpakailanman.(9)

  1. 1 Cor. 15:50-52; 2 Cor. 5:1-4; 1 Tes. 4:17

  2. Dan. 12:2; Juan 5:28-29; Gawa 24;15

  3. Job 19:26-27; Juan 5:28-29; 1 Cor. 15:35-38, 42-44

  4. 1 Cor. 15:42-44; 52-54

  5. Dan. 12:2; Mat. 25:46

3. Ang mga katawan ng mga di-matuwid ay ibabangong mag-uli sa kasiraang puri,(10) sa kapangyarihan ni Cristo; ang mga katawan ng mga matuwid sa Kanyang Espiritu(11) sa kaluwalhatian,(12) ay magiging katulad ng Kanyang sariling maluwalhating katawan.(13)

  1. Dan. 12:2; Juan 5:28-29

  2. Rom. 8:1,11; 1 Cor. 15:54; Gal. 6:8

  3. 1 Cor. 15:42-49

  4. Rom. 8:17,29-30; 1 Cor. 15:20-23,48-49; Fil. 3:21; Col. 1:18; 3:4; 1 Juan 3:2; Apoc. 1:5

KABANATA 32

ANG HULING PAGHUHUKOM

1. Itinalaga ng Diyos ang isang araw na dito ay huhukuman Niya ang sanlibutan sa katuwiran kay Jesu-Cristo na Siyang binigyan ng Ama ng buong kapamahalaan at kapangyarihang humatol.(1) Sa araw na ito, hindi lamang ang mga masasamang anghel ang huhukuman(2) kundi pati na rin ang lahat ng mga taong nabuhay sa sanlibutan. Sila ay haharáp sa hukuman ni Cristo(3) upang magbigay-sulit sa kanilang mga isip, mga salita at mga gawa, at upang tumanggap ng naaayon sa kanilang ginawa sa katawan maging mabuti o masama.(4)

  1. Juan 5:22,27; Gawa 17:31

  2. 1 Cor. 6:3; Jud. 6

  3. Mat. 16:27; 25:31-46; Gawa 17:30-31; Rom. 2:6-16; 2 Tes. 1:5-10; 2 Ped. 3:1-13; Apoc. 20:11-15

  4. Mat. 12:36; 1 Cor. 4:5; 2 Cor. 5:10

2. Ang layunin ng Diyos sa pagtatakda sa araw ng paghuhukom ay upang maipahayag ang kaluwalhatian ng Kanyang kahabagan sa walang hanggang kaligtasan ng Kanyang mga hinirang, at sa Kanyang katarungan sa walang hanggang kaparusahan ng mga sinumpa, na masasama at masuwayin.(5) Ang mga matuwid ay tutungo sa buhay na walang hanggan at tatanggapin ang kapuspusan ng kagalakan at kaluwalhatian na may walang hanggang gantimpala sa harapan ng Panginoon. Subali't ang mga masasama na hindi nakakakilala sa Diyos at hindi sumusunod sa ebanghelyo ni Jesu-Cristo ay itatapon sa walang hanggang pagdurusa. Sila ay parurusahan sa walang hanggang kapahamakan mula sa harapan ng Panginoon at sa kaluwalhatian ng Kanyang kapangyarihan.(6)

  1. Rom. 9:22-23

  2. Mat. 3:12; 5:26; 13:41-42; 18:8; 24:51; 25:21,30,34,41,46; Mar. 9:43,48; Lu. 3:17; 2 Tes. 1:7-10; 2 Tim. 4:8; Jud. 6; Apoc. 14:10-11

3. Sa isang paraan, upang patigilin ang lahat ng tao sa pagkakasala,(7) at sa isa naman upang magbigay ng higit na kaaliwan sa mga banal sa kanilang kahirapan,(8) ninanais ni Cristo na tiyak na malaman natin na may araw ng paghuhukom sa hinaharap. Dahil din dito, inililihim Niya ang petsa ng araw na yaon upang hindi magtiwala ang mga tao sa kanilang sarili. Sapagka't hindi nila nalalaman ang oras ng pagdating ng Panginoon,(9) sila ay palaging magbabantay at palaging maghahanda na sabihin, "Siya nawa, pumarito ka Panginoong Jesus!"(10)

  1. 2 Cor. 5:10-11

  2. 2 Tes. 1:5-7

  3. Mar. 13:35-37; Lu. 12:35-40

  4. Apoc. 22:20

TALAAN NG MGA NILALAMAN


Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689 is published by:

Wisdom Publications
P.O. Box 1233
Quezon City, Philippines

These WWW pages of Pagpapahayag ng Pananampalatayang Baptist ng 1689 copyright © 1997 by Wisdom Publications, P.O. Box 1233, Quezon City, Philippines, and are placed on the WWW with permission. They may be freely copied and used, but not for profit. For any other commercial use, contact Wisdom Publications for permission.


Electronic text provided by Pastor Brian Ellis, Cubao Reformed Baptist Church, Quezon City, Philippines. HTML by Pastor Brian Ellis & Webservant, Bill Newcomer. August, A.D. 1997.